SINUSPINDI ng Sandiganbayan nang 90 araw si Uswag Ilonggo party-list Rep. James Ang Dit Ang Jr., kaugnay ng 14 kasong graft na kinakaharap nito sa korte.
Sa apat na pahinang resolusyon ng Sandiganbayan Sixth Division, iniutos ang suspension pendente lite o pansamantalang pagsuspinde kay Ang bilang miyembro ng House of Representatives.
Saklaw din ng kautusan ang anumang iba pang posisyong pampubliko na kasalukuyan niyang hawak o maaari pa niyang hawakan, sa loob ng 90 araw mula sa pagtanggap niya ng resolusyon.
Ang suspensyon ay ipinatupad habang dinidinig ang mga kasong isinampa laban sa kongresista.
Nahaharap si Ang sa mga kasong paglabag umano sa Section 3(h) ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Batay sa mga alegasyon ng prosekusyon, mayroon umanong pinansiyal o personal na interes si Ang sa isang construction firm na nakakuha ng mga kontrata mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Tinatayang ₱214 milyon ang kabuuang halaga ng mga kontratang tinukoy sa mga kaso habang nagsisilbi si Ang bilang kinatawan ng party-list.
Patuloy namang didinggin ng Sandiganbayan ang mga kaso habang umiiral ang 90-araw na suspensyon.
