DALAWANG aktibong pulis ang inaresto ng kanilang mga kasamahan matapos umanong mabaril ang isang lalaki sa Sitio Lumboy, Barangay Indahag, Cagayan de Oro City, nitong Lunes ng gabi.
Ayon sa Cagayan de Oro City Police Office (COCPO), naaresto ang dalawang pulis matapos maharang sa isang border control checkpoint habang sakay ng kulay-abong Yamaha Sniper motorcycle.
Bandang alas-9:54 ng gabi nang makatanggap ng ulat ang Police Station 2 mula sa isang concerned citizen hinggil sa narinig na mga putok ng baril sa lugar.
Agad namang nagpatupad ang pulisya ng citywide flash alarm upang matukoy at maharang ang mga posibleng sangkot sa insidente.
Nang maharang ang motorsiklo, nakumpirma ng mga awtoridad na ang dalawang sakay ay mga aktibong tauhan ng Philippine National Police (PNP) na nakatalaga mismo sa naturang border control post.
Isinailalim sa kustodiya ang dalawa habang kinumpiska ang kanilang mga service firearm para sa ballistic examination.
Samantala, nagtamo ng tama ng bala sa itaas na bahagi ng hita ang biktimang kinilala lamang sa alyas na “Biek.”
Agad siyang tinulungan ng mga bystander at isinakay sa barangay ambulance bago dinala sa Maria Reyna Xavier University Hospital, kung saan iniulat na stable ang kanyang kondisyon.
Isang saksi naman ang positibong kumilala sa isa sa dalawang naarestong pulis bilang umano’y bumaril sa biktima.
Nakarekober din ang mga imbestigador ng isang fired cartridge case sa pinangyarihan ng insidente.
Ayon kay COCPO spokesperson Capt. Emilita Simon, nagpapatuloy ang internal training sa hanay ng kanilang mga tauhan upang maiwasan ang mga katulad na insidente.
Kabilang dito ang regular na police information updates, continuing education sessions, at pre-deployment at post-deployment briefings upang matiyak na nauunawaan at nasusunod ng mga personnel ang umiiral na mga alituntunin at direktiba.
Sinabi naman ni Police Col. Dexter Paje, direktor ng COCPO, na magiging masusi, patas at transparent ang imbestigasyon sa insidente.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang motibo at buong pangyayari na nauwi sa pamamaril.
