BAGUMBAYAN, Sultan Kudarat — Nasawi ang isang limang taong gulang na batang babae habang sugatan ang kanyang ina matapos silang madaganan ng isang sasakyang bumaliktad sa paahong kalsada sa Barangay South Sepaka, Sabado ng hapon, Oktubre 10.
Batay sa paunang ulat ng Bagumbayan Municipal Police Station (BMPS), naganap ang aksidente dakong alas-4:30 ng hapon sa Purok Sambag.
Paakyat umano sa kalsada ang isang puting Midi Gratour na minamaneho ni Jerry Jisim Requiso, residente ng Alabel, Sarangani, nang biglang mamatay ang makina ng sasakyan.
Dahil dito, umatras ang sasakyan bago tuluyang bumaliktad at dumagan sa batang babae at sa kanyang inang kinilalang si RaySalik Bernesto Tang, kapwa residente ng Lake Sebu, South Cotabato.
Nasawi ang bata sa insidente habang nagtamo naman ng mga pinsala ang kanyang ina.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang driver habang inihahanda ang kaukulang mga kasong isasampa laban sa kanya kaugnay ng aksidente.
