QUEZON CITY — TANGGAL sa puwesto ang hepe ng Police Clearance Section ng Quezon City Police District (QCPD) matapos mag-viral sa social media ang video ng umano’y kantahan at pagdiriwang ng mga tauhan sa loob ng opisina habang may mga naghihintay na aplikante.
Sa pahayag ng QCPD nitong Miyerkules, kinumpirma nitong pansamantalang inalis sa kanyang kasalukuyang puwesto ang opisyal habang iniimbestigahan ang reklamo hinggil sa umano’y pagkaantala ng pagproseso ng police clearance sa Quezon City Hall.
Nagsimula ang kontrobersiya matapos ireklamo ang umano’y pagdaraos ng birthday celebration ng ilang tauhan sa halip na agarang asikasuhin ang mga mamamayang kumukuha ng police clearance.
Dahil sa kumalat na video, umani ng atensiyon at reaksiyon sa social media ang tinawag na “happy-happy” sa loob ng tanggapan.
Gayunman, nilinaw ng QCPD na administratibong hakbang lamang ang pagtanggal muna sa puwesto ng hepe at hindi pa ito nangangahulugang napatunayang may kasalanan ang opisyal.
Ayon sa QCPD, seryoso nilang tinutugunan ang mga reklamong may kinalaman sa serbisyo publiko at nagsasagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang tunay na pangyayari.
Binigyang-diin din ng distrito na dapat tuluy-tuloy at maayos ang serbisyo sa publiko alinsunod sa Anti-Red Tape Act of 2007 at sa Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.
Nagbabala ang QCPD na ang sinumang mapatunayang lumabag sa batas at mga umiiral na alituntunin ay haharap sa kaukulang parusa alinsunod sa tamang proseso.
Hinimok din ng pulisya ang nag-post ng reklamo na magsumite ng pormal na salaysay at mga ebidensiya upang makatulong sa patas na imbestigasyon.
