Military explosive on red
PATAY ang isang mag asawa at ang kanilang 6 buwan gulang na sanggol makaraan silang masabugan ng Granada na inihagis ng hindi pa tukoy na lalaki habang ito ay tinutugis ng pulisya sa Barangay Tampilong, Marawi City, Lanao del Sur, araw ng Sabado, Oktubre 31.
Kinilala ang nasawing mag-asawa na sina Mohaimen Hadji Ali Darimbang, 28 at Nesren Camar Solaiman, 25, kapwa residente ng nabanggit na lugar.
Nasawi rin kalaunan sa ospital ang kanilang anim na buwang gulang na sanggol matapos magtamo ng mga sugat sa katawan mula sa pagsabog.
Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente kasunod ng joint law enforcement operation ng mga pulis at militar para isilbi ang warrant of arrest laban sa isang lalaki na high value target.
Nagkaroon umano ng palitan ng putok sa naturang operasyon. Sa gitna ng engkwentro, isang granada na sinasabing inihagis ng tumatakas na target ang sumabog at naging sanhi ng pagkasawi ng mag-asawa at kanilang sanggol.
Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang lalaking nakatakas sa operasyon.
