NAKALUSOT sa pagdakip ang wanted na si dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Director General Gerald Bantag matapos mabigong matagpuan ng mga awtoridad sa isang poultry farm sa Barangay Pugol, Lamut, Ifugao, sa ikinasang pagsalakay nitong madaling-araw ng Linggo, Nobyembre 1.
Wanted si Bantag kaugnay sa pagpatay sa broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa at New Bilibid Prison (NBP) inmate na si Cristito “Jun” Villamor noong 2022, na umano’y nagsilbing tagapamagitan sa planong pagpatay sa mamamahayag.
Itinanggi ni Bantag ang mga paratang laban sa kanya at nananatili itong nagtatago sa batas.
Ayon sa Ifugao Police Provincial Office (PPO), nagtungo ang mga tauhan nito kasama ang 1501st Regional Mobile Force Battalion 15 (RMFB 15) sa Clifford Olivas Poultry Farm sa Sitio Alupapan upang isilbi ang warrant of arrest laban kay Bantag.
Pinangunahan ang joint operation ni Ifugao PPO director Police Col. Jeremias Oyawon na nagsimula dakong alas-5 ng madaling-araw.
Dumating ang mga pulis sa poultry farm dakong alas-5:20 ng umaga at sinimulang ipatupad ang arrest warrant makalipas ang sampung minuto.
Pagsapit ng alas-6:20 ng umaga, tuluyan nang umalis ang mga awtoridad sa lugar matapos mabigong makita si Bantag.
Sa ulat ng pulisya, wala sa nasabing poultry farm ang dating BuCor chief kaya hindi naipatupad ang warrant of arrest laban sa kanya.
Samantala, sinabi ni Lamut Mayor Mariano Buyagawon sa kanyang social media post na nakatanggap umano ang mga awtoridad ng intelligence information na nananatili si Bantag sa naturang poultry farm at nagpapanggap na isang manggagawa roon.
Patuloy na tinutugis si Bantag na itinuturing na “Armed and Dangerous”.
