KALUNOS- lunos ang sinapit ng isang 46 taong gulang na babae makaraan syang patayin ay isinilid pa ang kanyang bangkay sa loob ng lumang septic tank sa bayan ng Panglao, Bohol.
Iniimbestigahan pa ng pulisya ang karumal dumal na krimen matapos ang pagkakadiskubre sa insidente pasado alas 9 ng umaga ng Sabado, Oktubre 31, malapit sa Looc Elementary school sa Purok 3, Barangay Looc.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, napansin ng ilang residente sa lugar ang makapal na kumpulan ng mga langaw sa ibabaw ng abandonadong septic tank.
Dahil sa kanilang hinala, humingi sila ng tulong upang silipin ang loob nito at doon tumambad ang bangkay ng babae.
Agad nilang ipinagbigay-alam ang insidente sa mga awtoridad dahilan upang respondehan ang lugar.
Lumalabas na huling nakita ng anak ang biktima noong gabi ng Oktubre 30.
Sinabi umano ng babae na bibiyahe siya patungong Tagbilaran City dakong alas-9 ng gabi.
Kinabukasan, napansin ng kanyang anak na hindi pa umuuwi ang ina bago siya pumasok sa paaralan.
Rumesponde rin ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) team at nagsagawa ng pagsusuri sa crime scene.
Sa paunang pagsusuri ng Panglao Municipal Health Officer, tinatayang namatay ang biktima sa pagitan ng alas-3 at alas-4 ng madaling-araw noong Oktubre 31.
Napansin din ang mga pinsala sa kanyang ulo.
Gayunman, kinakailangan pa ang masusing medico-legal examination at karagdagang imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay at ang mga pangyayari bago ito naganap.
Dinala ang mga labi ng biktima sa isang punerarya sa Barangay Mayacabac, Dauis, Bohol, para sa wastong disposisyon.
Ayon kay Police captain Kentbel Ceasar V. Parcho, chief of police ng Panglao Municipal Police Station, na nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong detalye ng insidente at mapanagot ang sinumang nasa likod nito.
Samantala, naglaan ang pamahalaang panlalawigan ng P150,000 pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magtuturo sa pagkakakilanlan at ikadarakip ng responsable sa pagkamatay ng biktima.
