MULING nanawagan ang Philippine National Police (PNP) kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa na kusang sumuko sa mga awtoridad kasabay ng pagtatapos ng ultimatum sa pagsuko kahapon araw ng Biyernes, Oktubre 30, ng isang linggong palugit.
Tiniyak naman ng PNP na hindi ito uurong sa tungkuling ipatupad ang arrest warrant laban sa senador, ngunit iginiit na nais nitong maresolba ang sitwasyon nang mapayapa at walang masaktan.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Joseph Wilson Lopez, wala pa silang natatanggap na anumang pahiwatig mula kay Dela Rosa o sa kampo nito hinggil sa posibilidad ng kusang pagsuko.
“Wala pa tayong natatanggap na any feeler for the voluntary surrender of Sen. Dela Rosa until now,” ani Lopez.
Hinimok din ni Lopez ang senador na alalahanin ang dati nitong tungkulin bilang hepe ng PNP at ang ugnayan nito sa mga pulis na itinuring niyang parang isang ama sa kanyang mga anak.
“Kung sa puso niya ay naroon pa ang kanyang pagiging tatay ng Philippine National Police, alam kong hindi niya hahayaan na mayroong isa o dalawa o any member of the Philippine National Police na masaktan,” ani Lopez.
Patuloy aniya silang nananawagan at nakikiusap kay Dela Rosa na sumuko na upang maiwasan ang anumang posibleng problema o komprontasyon sa operasyon.
Matatandaang noong Oktubre 23, 2026, nagbigay ang PNP ng isang linggong palugit kay Dela Rosa upang kusang sumuko.
Kasabay nito, inanunsyo rin ang ₱50-milyong pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong hahantong sa pagkakaaresto ng senador.
Samantala, nilinaw ni Lopez na hindi pagbabanta kay Dela Rosa ang pahayag ng PNP, kundi bahagi lamang ng kanilang tungkuling ipatupad ang umiiral na arrest warrant.
“Hindi tayo nagwa-warning sa kanya. Ang masasabi ko lang, the Philippine National Police is tasked to implement the warrant. So ang tungkulin namin ay i-implement ang warrant na ito,” paliwanag ni Lopez.
Ayon pa sa opisyal, pinaigting na ng PNP ang paghahanap sa senador at may nakatalagang pangkat na nakatutok sa operasyon.
Gayunman, tumanggi siyang magbigay ng karagdagang detalye upang hindi malagay sa alanganin ang kanilang mga hakbang.
Sinabi rin niyang pinag-aaralan ng mga awtoridad ang lahat ng posibleng senaryo, kabilang ang posibilidad na magkaroon ng engkuwentro sa senador.
Tiniyak naman ni Lopez na sapat ang puwersa ng PNP para sa operasyon, habang nakahanda ring magbigay ng suporta ang Armed Forces of the Philippines (AFP), kabilang ang paggamit ng mga asset nito sa himpapawid at karagatan kung kinakailangan.
Nauna nang nagbabala si Interior Secretary Jonvic Remulla sa posibleng pagdanak ng dugo sakaling gumamit ng puwersa ang mga awtoridad sa pag-aresto kay Dela Rosa.
Kaugnay nito, nagpahayag ng pangamba ang abogado ng senador na maaaring malagay sa panganib ang buhay nito dahil sa inilabas na pabuya.
Gayunman, tiniyak ni Lopez na hindi layunin ng PNP na saktan ang senador at nais nilang maayos at mapayapang maisakatuparan ang pag-aresto rito.
“Hindi siya masasaktan,” pagtitiyak ni Lopez.
Nagsilbi si Dela Rosa bilang hepe ng PNP mula 2016 hanggang 2018, sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
