Taas-baba ang presyo ng produktong petrolyo ang posibleng maranasan ng mga motorista sa unang linggo ng Nobyembre.
Ayon kay Jetti Petroleum president Leo Bellas, posibleng tumaas ng P2.90 hanggang P3.20 kada litro ang presyo ng gasolina.
Samantala, inaasahang bababa naman ng 40 hanggang 60 sentimos kada litro ang presyo ng diesel.
Sinabi ni Bellas na patuloy na sumusunod ang presyo ng gasolina at diesel sa galaw ng pandaigdigang presyo ng krudo, na nananatiling mataas dahil sa pangamba sa posibleng pagkaantala ng suplay ng enerhiya sa Middle East.
Kabilang sa mga nagpapataas ng pangamba ang nagpapatuloy na pag-atake sa rehiyon at posibilidad ng pag-atake ng Estados Unidos sa Iran matapos ang midterm elections sa US sa susunod na linggo.
Gayunman, nakatulong naman umano ang pag-asang magkakaroon ng pag-usad sa mga diplomatikong pagsisikap na wakasan ang walong buwang sigalot upang mapigilan ang mas malaking pagtaas ng presyo ng langis.
Batay ang naturang pagtataya sa unang apat na araw ng trading sa Mean of Platts Singapore (MOPS) at sa galaw ng palitan ng piso kontra dolyar.
Ang MOPS ang nagsisilbing batayan sa pagtatakda ng presyo ng mga pinong produktong petrolyo sa Southeast Asia.
