NAUWI sa kamatayan ng isang negosyante ang umano’y matagal nang alitan sa lupa matapos itong masangkot sa barilan sa pagitan ng grupo ng kaniyang kaalitan sa Barangay Gadongan, Marawi City.
Batay sa ulat ng pulisya nitong Miyerkoles, nagkaroon muna ng mainitang pagtatalo ang biktima at ang suspek nang magkita ang mga ito sa nasabing barangay.
Sa halip na matapos ang pagtatalo, nagbalikan umano ang biktima kasama ang kaniyang mga kasamahan upang harapin ang suspek, na nauwi sa isang madugong engkuwentro.
Dalawa sa mga umano’y sangkot sa insidente ang naaresto ng mga awtoridad kasunod ng insidente.
Ayon sa paunang impormasyon, matagal nang may alitan sa usapin ng lupa ang biktima at isa sa mga suspek.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang buong pangyayari at ang pananagutan ng mga sangkot sa insidente.
