NAUWI sa pamamaril ang matinding pagseselos ng mister sa kanyang misis makaraang matuklasan na may ibang lalaki na kinaiibigan ito sa kanilang Lugar sa Barangay Sawang Calero, Cebu City.
Patay sa nasabing insidente ang 37 taong gulang na lover ni misis na e-cab driver habang naaresto naman ang mister na kinilala lamang sa alyas “Jojo” 35 anyos.
Batay sa ulat ng Cebu City Police Office Station 6 (PS6), naganap ang pamamaril dakong alas-9:15 ng gabi noong Nobyembre 5, 2026, sa Tupaz Street, sa harap ng OCS Lending.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Police Station 6 sa pangunguna ni Police Major Noah L. Añana, matapos makatanggap ng ulat tungkol sa pangyayari.
Nadatnan nila ang biktimang si alyas “Paolo” na nakaupong nakayuko sa kanyang e-bike at nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan.
Isinugod pa ng Emergency Medical Services (EMS) ang biktima, residente ng Sitio Omega, Barangay Sawang Calero, sa Cebu City Medical Center, subalit idineklara itong dead on arrival ng mga doktor.
Sa isinagawang follow up operations ng mga pulis ay nakorner naman ang suspek na nakasakay sa kanyang e-bike at pauwi na sana ito ng abutan sa kalsada.
Narekober mula sa suspek ang hinihinalang ginamit na baril na isang hindi rehistradong 9mm caliber revolver na may markang “EYO.”
May laman ang cylinder nito na isang live 9mm ammunition at apat na basyo ng bala.
Sa presinto ay inamin ng suspek ang pamamaril at sinabing bunsod ito ng matinding selos at paulit-ulit na pagbabanta sa kanya ng biktima dahil sa umano’y relasyon nito sa kanyang asawa.
Nabatid na sinabi rin ng suspek na ilang beses umanong ipinagmalaki ng biktima ang pakikipagrelasyon sa kanyang asawa at nagbanta na babarilin siya sa mga naunang komprontasyon.
Magkatabing Bahay lamang umano ang suspek at biktima.
Nananatili sa kustodiya ng pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong murder at illegal possession of firearms kaugnay ng insidente.
