Apat pang kongresista ang sumasailalim sa preliminary investigation ng Office of the Ombudsman kaugnay ng mga umano’y anomalya sa mga proyekto ng flood control sa bansa.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla nitong Biyernes, nasa 79 na kaso na ang naitala kaugnay ng mga alegasyon ng iregularidad sa mga proyekto ng flood control, kung saan 25 ang kasalukuyang nasa preliminary investigation.
Sa 79 na kaso, nasa 67 na indibidwal ang nasasangkot, kabilang ang isang senador, isang dating senador, apat na kongresista, isang dating kongresista, isang dating kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), 39 na tauhan ng DPWH, siyam na kontratista, dalawang congressional staff at siyam na pribadong indibidwal.
“Patuloy ito dahil ongoing ang kaso laban sa mga kontratista at mayroon pa tayong isang kongresista na kasunod na iniimbestigahan kaugnay ng flood control,” pahayag ni Remulla sa isang press conference.
Nang tanungin kung ilan pang kongresista ang iniimbestigahan, sinabi ni Remulla na apat pang mambabatas ang nakabinbing pagsasampa ng kaso.
Samantala, sinabi ng Ombudsman na mayroon nang dalawang kasong plunder na hindi pinapayagan ang piyansa at 22 kasong malversation of public funds o paglustay ng pondo ng bayan.
Ayon kay Remulla, hindi rin pinapayagan ang piyansa sa mga kasong malversation dahil lumampas sa P8.8 milyon ang halaga ng mga pondong sangkot.
Mayroon din umanong 55 kaso ng paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Tinatayang P10.78 bilyon naman ang halaga ng pondong konektado sa mga kasong may kaugnayan sa mga proyekto ng flood control.
“So far, mayroon kaming ebidensya sa P10.78 bilyon na saklaw ng mga kaso,” ani Remulla.
