Nagdadalamhati ang mga kasamahan at kaibigan ng isang 37-anyos na empleyado ng lokal na pamahalaan matapos itong pagbabarilin at mapatay habang pauwi ng madaling araw nitong Biyernes.
Naganap ang insidente dakong alas-2:30 ng madaling araw sa Purok 4, Barangay Libertad, Quezon, Bukidnon.
Nabatid kay Quezon Police Station chief Police Lt. Col. Erwin Naelga, sinusundan umano ng hindi pa nakikilalang mga salarin na lulan sa motorsiklo ang biktima habang pauwi sa kanyang tahanan na sakay din sa motorsiklo.
Pagdating sa lugar malapit sa isang taniman ng tubo, hinarang umano ng mga suspek ang biktima at pinahinto bago tuluyang pinagbabaril.
Agad na isinugod ng mga rescue personnel ang biktima sa Quezon Health Center Infirmary, subalit idineklara itong dead on arrival ng attending physician.
Narekober ng mga crime scene investigator ang dalawang bala, isang slug at isang basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril sa pinangyarihan ng krimen.
Matapos ang pamamaril, agad na inilunsad ng mga awtoridad ang OPLAN SHIELD at containment ring operations, kasabay ng hot pursuit operation laban sa mga suspek.
Inilarawan naman ng mga katrabaho ng biktima sa LGU Quezon bilang mapagpasalamat, magalang at dedikadong frontline personnel ng Civil Security Unit (CSU).
Katatapos lamang umano ng biktima sa kaniyang afternoon-to-night shift at pauwi na sakay ng itim na Yamaha XTZ motorcycle nang mangyari ang krimen.
Samantala, iniutos ni Bukidnon Provincial Director PCol. Oliver Navales sa Quezon Municipal Police Station ang masusing at mabilis na imbestigasyon upang matukoy at mapanagot sa batas ang mga salarin.
