PINATAWAN ng Land Transportation Office (LTO) ng preventive suspension ang lisensya ng isang driver na nahuling nanakit ng motorcycle rider gamit ang baseball bat sa isang insidente ng road rage sa lungsod ng Maynila.
Naganap ang insidente sa Mabini Bridge (Nagtahan), Manila, noong Nobyembre 4.
Sa video na kumalat, makikitang hinampas ng driver ang motorcycle rider sa ulo gamit ang baseball bat habang nagtatalo ang dalawa sa gitna ng kalsada, na nagdulot ng pagkaantala sa daloy ng trapiko, ayon sa pahayag ng LTO.
Natuklasan din ng ahensya ang pagkakaiba sa mga rekord ng pagpaparehistro ng sasakyan ng driver.
Ayon sa talaan ng LTO, pearl-colored ang nakarehistrong kulay ng sasakyan, ngunit asul naman ang kulay ng unit na makikita sa video. Huling nairehistro ang sasakyan noong Agosto 23, 2019.
Inatasan ng LTO ang driver at ang rehistradong may-ari ng sasakyan na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) sa Central Office sa Quezon City sa Nobyembre 12.
Pinag-utos din sa kanila na magsumite ng sinumpaang paliwanag at mga kaugnay na orihinal na dokumento.
Sa show-cause order ng ahensya, pinagsusumite ang registered owner ng paliwanag kung bakit hindi siya dapat managot sa mga paglabag, kabilang ang unauthorized motor vehicle modification at hindi pagsunod sa mga kinakailangan sa compulsory vehicle registration.
Samantala, kailangang sagutin ng driver ang mga alegasyon ng obstruction at pagiging improper person to operate a motor vehicle.
Ipinataw sa lisensya ng driver ang 90-araw na preventive suspension at inatasan siyang isuko ito sa IID.
Isinailalim din sa alarm ang sasakyan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
“Hindi dapat kailanman gamitin ang karahasan upang lutasin ang mga hindi pagkakaunawaan sa kalsada. Responsibilidad ng bawat motorista na manatiling disiplinado at kalmado sa anumang sitwasyon,” pahayag ni LTO chief Markus Lacanilao.
Dagdag pa niya, pananagutin ng ahensya ang mga sangkot sa road rage, lalo na kung ang kanilang mga aksyon ay naglalagay sa panganib sa ibang tao at nakakaabala sa daloy ng mga sasakyan.
