BINAWI ng Philippine National Police (PNP) ang rehistro ng pitong baril na pag-aari ng isang sikat na vlogger kasunod ng pagkalat sa social media ng video kung saan makikitang nagpaputok ito ng Glock 9mm sa isang pribadong fish pond.
Kinumpirma ni PNP Public Information Office Chief BGen. Allen Rae Co na naglabas ng revocation order ang Firearms and Explosives Office (FEO) noong Nobyembre 16, matapos ang isinagawang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng insidente.
Nagsimula ang imbestigasyon matapos kumalat ang naturang video na kinunan noong Nobyembre 13 at tuluyang tinanggal sa social media noong Nobyembre 14.
Bukod sa pagbawi sa rehistro ng mga baril, nakikipag-ugnayan na rin ang regional office ng FEO sa vlogger upang maisaayos ang pagsuko ng lahat ng kanyang armas.
Tatlong indibidwal na ang natukoy ng mga awtoridad na may kaugnayan sa insidente, kabilang ang mismong nagpaputok ng baril, ang isa pang taong makikita sa video at ang indibidwal na kumuha ng naturang video.
Nilinaw naman ni Co na hiwalay na usapin ang revocation ng firearms registration sa posibleng pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga sangkot.
Binigyang-diin din ng opisyal na mahigpit na ipinagbabawal ang basta-bastang pagpapaputok ng baril sa mga pribadong lugar na hindi rehistrado o accredited bilang firing range dahil maaari itong magdulot ng panganib sa kaligtasan ng ibang tao.
