Tinatayang ₱524.27 milyong halaga ng mga produktong agrikultural at iba pang kalakal ang nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) sa isang warehouse sa Valenzuela City dahil sa hinihinalang agricultural smuggling.
Nagsagawa ng operasyon ang BOC katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI), Department of Agriculture (DA) at Philippine Coast Guard (PCG) matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa posibleng ilegal na pag-iimbak ng mga produktong agrikultural.
Naglabas ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) ang BOC-Manila International Container Port (MICP) noong Nobyembre 9, 2026, matapos matuklasan ang mga hindi pagkakatugma sa imbentaryo at mga dokumento ng importasyon.
Kabilang sa mga kuwestiyonableng produkto ang nasa 41,033 sako ng pulang sibuyas na hindi maitugma sa mga isinumiteng dokumento.
Sa isinagawang pisikal na imbentaryo noong Oktubre 17, natuklasan ang 99,289 sako ng pulang sibuyas na nagkakahalaga ng ₱372.3 milyon, 20,886 sako ng beans at legumes na nagkakahalaga ng ₱103.7 milyon, at 18,016 kahon ng luya at carrots na nagkakahalaga ng ₱26 milyon.
Narekober din ang mga produktong mani, textured vegetable protein, laundry bluing powder, packaging materials at apat na forklift.
Umabot sa kabuuang ₱524,274,355 ang tinatayang halaga sa merkado ng lahat ng produktong nadiskubre sa warehouse.
Batay sa mga marka sa packaging, ilan sa mga produkto ay nagmula sa China, Argentina, Australia, Indonesia, India, Myanmar at Egypt. Gayunman, hindi pa matukoy ang pinagmulan ng mga pulang sibuyas at ilang iba pang produkto.
Nagsimula ang imbestigasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang BOC-Customs Intelligence and Investigation Service mula sa NBI-National Capital Region noong Oktubre 7 hinggil sa posibleng paglabag sa mga regulasyon sa pag-aangkat ng produktong agrikultural.
Wala umanong sapat na dokumentong naipakita upang patunayan ang legal na pagpasok ng mga produkto sa bansa, pagbabayad ng tamang buwis at pagkakaroon ng mga kinakailangang permit mula sa DA.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, hindi sapat ang basta pagpapakita ng mga dokumento kung hindi mapatutunayan ang pinagmulan at legalidad ng mga inaangkat na produkto.
Nananatiling nasa kustodiya at ilalim ng customs guard ang mga produkto habang iniimbestigahan ang posibleng paglabag sa Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act of 2024.
Tiniyak ng BOC na paiigtingin nito ang mga operasyon at inspeksyon sa mga warehouse upang masugpo ang agricultural smuggling at maprotektahan ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.
