PATAY ang isang babae matapos tamaan sa ulo ng inihagis na bakal mula sa isang construction site sa Barangay Balingasa, Quezon City, nitong Linggo, Nobyembre 8.
Kinilala ang biktima na si Analyn Suganob, na idineklarang dead on arrival sa ospital matapos magtamo ng malubhang pinsala sa ulo.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), unang iniulat sa kanila na aksidenteng nahulugan lamang ng metal object ang biktima.
Gayunman, sa isinagawang imbestigasyon, napag-alamang may naghagis pala ng bakal mula sa isang ginagawang establisimyento sa Creekside Riverview Market.
“Yung unang report po sa atin, sir, ay nahulugan lang ng metal object sa ulo yung babae po. Upon investigation, nalaman po natin, sir, na ito ay hindi lang ordinaryong aksidente lang nangyari, kundi may nagtapon nung bakal doon sa ibaba,” pahayag ni Police LT Jamaica Juaton, chief investigator ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU).
Ayon sa mister ng biktima na si Mario Cronico, kukunin lamang sana ng kanyang asawa ang nilulutong pagkain nang mangyari ang insidente.
Nakita umano mismo ni Cronico ang paglipad ng bakal bago ito tumama sa ulo ng kanyang asawa.
Sinubukan pa niyang komprontahin ang suspek at nakita umanong muli itong naghagis ng bakal.
Gayunman, hindi niya agad naabot ang lalaki dahil sa bakod sa ibabaw ng pader.
Tumakas umano ang suspek nang makitang nakahandusay na ang biktima.
Isinugod sa ospital si Suganob ngunit hindi na naisalba ang buhay nito.
Naabutan naman ang suspek matapos habulin at masukol ng isang concerned citizen, bago tuluyang itinurnover sa mga awtoridad.
Aminado ang suspek sa nangyari at humingi ng tawad sa pamilya ng biktima, subalit iginiit niyang hindi niya sinasadya ang insidente.
“Patawad po kung gano’n man yung nangyari, pero hindi ko po ginusto yun. Aksidente po yung pangyayari,” pahayag ng suspek na si alyas “Villoso”.
Sa kabila nito, nananawagan ng hustisya ang mister ng biktima, na nagsabing nag-iwan ang kanyang asawa ng mga mahal sa buhay.
Nasa kustodiya na ng QCPD-CIDU ang suspek, na dati na ring nasangkot sa kasong pagnanakaw.
Mahaharap siya sa kasong homicide kaugnay ng pagkamatay ng biktima.
