NASAWI ang isang 44-anyos na lalaki habang sugatan naman ang isang menor de edad makaraan ang pamamaril ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Bulalo, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, Miyerkules ng gabi, Nobyembre 18, 2026.
Kinilala ng mga awtoridad ang nasawing biktima na si Akmad Adam Kasan, isang biyudo at residente ng Barangay Bulalo Extension.
Sa ulat ng pulisya, kasalukuyang kumakain ng meryenda ang biktima sa tabi ng isang tindahan nang biglang dumating ang dalawang suspek na magkaangkas sa isang motorsiklo.
Agad umanong nilapitan at pinagbabaril ng mga suspek si Kasan bago mabilis na tumakas.
Tinamaan din ng ligaw na bala ang isang menor de edad na kinilala lamang sa alyas na Princess, na nasa loob ng naturang establisimyento nang mangyari ang insidente.
Narekober ng mga imbestigador sa pinangyarihan ng krimen ang limang basyo ng bala na hinihinalang mula sa kalibre 9mm na baril.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad at pagtugis sa dalawang suspek upang matukoy ang kanilang pagkakakilanlan at mahuli ang mga ito. Inaalam pa rin ang motibo sa likod ng pamamaslang.
