IDINEKLARA na ng Fifth Division ng Sandiganbayan bilang mga pugante sa batas (fugitives from justice) ang tatlong kapwa akusado ng dating kongresista na si Zaldy Co at iniutos ang pagkansela sa kanilang mga pasaporte.
Sa resolusyong inilabas noong Nobyembre 10, pinagbigyan ng anti-graft court ang mosyon ng prosekusyon na ideklarang fugitives from justice sina Timojen Sacar, isang material engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at sina Anthony Ngo at Consuelo Aldon, kapwa miyembro ng board of directors ng Sunwest.
Ibinatay rin ng prosekusyon ang kahilingan sa Republic Act No. 11983 o New Philippine Passport Act, na nagbibigay-kapangyarihan sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang mga pasaporte alinsunod sa utos ng korte.
Ang naturang deklarasyon ay batay sa resolusyong isinulat ni Associate Justice Zaldy Trespeses.
Ayon sa korte, nananatiling nagtatago sa batas ang tatlong akusado sa kabila ng mga warrant of arrest na inilabas laban sa kanila noong Nobyembre 2025.
May kaugnayan ang mga warrant sa kasong graft na isinampa kaugnay ng umano’y substandard na flood control project na nagkakahalaga ng P289.5 milyon sa Oriental Mindoro.
Binigyang-diin ng Sandiganbayan na batid ng tatlong akusado ang mga kasong kinakaharap nila at ang mga warrant of arrest na inilabas laban sa kanila, lalo’t naging kontrobersiyal at mataas ang atensiyon ng publiko sa naturang kaso.
Ayon pa sa korte, ang patuloy nilang pagtatago sa kabila ng kaalaman sa mga nakabinbing warrant ay nagpapakita ng sinasadyang pag-iwas sa proseso ng hustisya.
Halos isang taon na rin umanong tinutugis ng mga awtoridad ang tatlo, dahilan upang ideklara silang fugitives from justice.
Ipinaliwanag din ng korte na mahalaga ang pagkansela sa kanilang mga pasaporte upang maiwasan ang posibilidad na makalabas sila ng bansa at makatakas sa pananagutan habang nakabinbin ang mga kasong kriminal laban sa kanila.
