POSIBLENG maharap sa pagkakakulong at malaking multa ang mga online lending company na nananakot, nanghihiya at nang-aabuso sa mga umutang, ito ang panukalang batas na isinusulong ni Albay Third District Rep. Raymond Adrian Salceda.
Layunin ng House Bill No. 4016 o Anti-Harassment in Online Lending Collection Act na wakasan ang mapang-abusong paniningil ng utang, kabilang ang pagbabanta, pamamahiya sa social media at ilegal na paggamit ng personal na impormasyon ng mga borrower.
Tinalakay ang panukala sa House Committee on Banks and Financial Intermediaries nitong Lunes, Nobyembre 23, at nakatakdang sumailalim sa karagdagang pagtalakay sa technical working group (TWG) level.
Sa ilalim ng panukala, maaaring makulong ng isa hanggang tatlong taon at pagmultahin ng ₱100,000 hanggang ₱500,000, o parehong parusa, ang sinumang mapatutunayang lumabag sa mga probisyon nito.
Ipinagbabawal din sa mga online lending company, kanilang mga tauhan at third-party collectors ang pananakot sa mga umutang, paggamit ng malaswa at mapanirang salita, at pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa kanilang pagkakautang sa pamilya, kaibigan at employer.
Bawal din ang pagpo-post sa social media o pagpapadala ng group messages na naglalayong ipahiya ang mga borrower, gayundin ang paggamit ng kanilang contact lists, litrato at iba pang pribadong impormasyon nang walang pahintulot.
Hindi rin pinapayagan ang pagpapanggap na may warrant of arrest, pagbabanta ng pagkakakulong at pananakot na masisira ang credit record ng borrower nang hindi dumaraan sa wastong proseso.
Partikular ding tinututukan ng panukala ang mga collector na nanggugulo sa mga borrower at kanilang kakilala mula alas-10 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga nang walang paunang nakasulat na pahintulot.
Ayon kay Salceda, bagama’t nakatulong ang online lending platforms upang mapadali ang paghiram ng pera, dumarami rin ang reklamo laban sa mga kumpanyang gumagamit ng mararahas at mapanghiya na paraan ng paniningil.
Binanggit niya ang mga ulat sa Securities and Exchange Commission (SEC) hinggil sa public shaming at ilegal na pagkuha ng contact lists, litrato at social media accounts ng mga nangungutang.
Noong 2019, iniutos ng SEC ang pagsasara ng 30 online lending applications dahil sa mga mapang-abusong paraan ng paniningil, kabilang ang pagbabanta ng pag-aresto at pagpapadala ng maling impormasyon sa mga kaibigan at employer ng borrowers.
Bukod sa mga parusa, bibigyan din ng panukala ang SEC at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng kapangyarihang magsuspinde o magkansela ng lisensiya ng mga online lending company na mapatutunayang lumalabag sa batas.
Binigyang-diin ni Salceda na hindi layunin ng panukala na takasan ng mga nangutang ang kanilang obligasyon, kundi tiyaking hindi sila inaabuso habang sinisingil ng kanilang utang.
“Collecting a debt is a right, but harassing a borrower is not,” diin ng kongresista.
Iginiit niyang dapat magkaroon ng patas na sistema kung saan maaaring maningil ang mga lending company nang hindi isinasakripisyo ang dignidad, karapatan at pribadong buhay ng mga Pilipino.
