
Photo by Atty. Mark Tolentino FB page
NAKALAYA na ang mga mga host ng Sunshine Media Network International (SMNI) na sina Lorraine Badoy at Jeffrey Celiz matapos ipag-utos na palayain mula sa pagkakadetin sa House of Representatives sa humanitarian grounds. Pumabor ang House Committee on Legislative Franchises para payagan ang paglaya nina Badoy at Celiz matapos ang isang pribadong pagpupulong
Ang desisyon na palayain sina Badoy at Celiz ay batay sa humanitarian na mga dahilan, partikular na alinsunod sa Kapaskuhan. Sinabi ni committee chairperson Gus Tambunting na pareho nang humingi ng paumanhin ang dalawang host para sa kanilang inasal.
Si Celiz ay ipinag-utos na ikulong matapos tanggihan ang pagbibigay ng impormasyon tungkol sa pagkakakilanlan ng kanyang source ukol sa alegasyong P1.8 bilyon na travel expenses ni Speaker Martin Romualdez, na umere sa SMNI show na “Laban Kasama Ang Bayan.”
Si Badoy, isang dating opisyal ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, ay inireklamo ng contempt dahil sa “pag-aksiyon ng walang respeto” at ang kanyang “magkaibang mga pahayag” sa panahon ng imbestigasyon.
Ayon kay Tambunting, tatawagin na lang ang dalawang hosts para sa mga susunod na pagdinig hinggil sa isyu ng SMNI, at nilinaw niya na wala itong kinalaman sa writ of habeas corpus na isinampa ng kanilang mga asawa na nagtatanong sa kanilang pagkakadetin.
“Malaya silang umalis. Ito ay hindi isang furlough. Pinalaya namin sila mula sa kanilang detensyon. Kung kinakailangan namin sila, tatawagin na lang namin sila,” ayon kay Tambunting.