LAYONG palakasin ang cybersecurity at protektahan ang sensitibong datos ng mga Pilipino ang pagsusulong ng administrasyong Marcos sa pagpapalawak ng digital infrastructure ng bansa sa pamamagitan ng mga pasilidad tulad ng Angeles Data Center sa Angeles City, Pampanga.
Ang 12-megawatt data facility ay idinisenyo upang suportahan ang artificial intelligence (AI), high-performance computing, at digital requirements ng mga bangko, malalaking negosyo, at ahensya ng pamahalaan.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mahalaga ang pagkakaroon ng matatag at ligtas na digital infrastructure sa loob ng bansa upang matiyak ang proteksyon ng mamamayan at makapaghatid ng mas mabilis at mas ligtas na digital services.
Kaugnay nito, itinulak ng Pangulo ang pagpapatupad ng Executive Order No. 119 na nag-a-update sa mga patakaran sa digital transactions ng gobyerno, kabilang ang data protection, data classification, at cross-border data transfers.
Sinabi naman ni Converge CEO Dennis Uy na mahalagang hakbang ang naturang polisiya upang palakasin ang digital backbone ng pamahalaan at makahikayat ng karagdagang pamumuhunan sa data center sector.
Kasama ni Marcos sa pagbisita sina Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda at iba pang opisyal ng pamahalaan.
