NAGPADALA ng isang barko malapit sa Escoda Shoal ang bansa bilang kapalit ng BRP Teresa Magbanua, ayon sa tagapagsalita ng National Maritime Council (NMC) na si Alexander Lopez noong Sabado.
Aniya , “‘yung inalisan ng BRP Teresa Magbanua, ay mayroon tayong pinadala, hindi ko lang sasabihin kung ito ay isang coast guard vessel o ito ay Philippine Navy vessel,” sabi ni Lopez sa isang news forum sa Quezon City.
“Iyong agam-agam ng ating mga kababayan, bakit walang kapalit, mayroon tayong kapalit at—again, sabi nga habang nag-uusap tayo dito, na andoon na sa bandang lugar ng Sabina Shoal ang ating pinadala na sinasabi nating kapalit,” dagdag niya.
Gayunpaman, hindi nagbigay ng karagdagang detalye si Lopez tungkol sa bagay na ito, dahil sa mga kadahilanang pangseguridad.
Sinabi niya na mananatili ito sa Pilipinas sa presensya nito sa Escoda Shoal (Sabina Shoal) upang patuloy na igiit ang mga sovereign rights at jurisdiction ng bansa, at subaybayan ang mga ilegal na aktibidad sa lugar.
Inihayag din ni Lopez na plano ng gobyerno ng Pilipinas na mag-lease ng mga barko sa dagat mula sa ibang bansa.
Ngunit sinabi niya na kailangang pag-aralan nang mabuti ang plano dahil sa ilang alalahanin.
Ang ilan sa mga alalahanin, ayon sa kanya, ay ang bilang ng mga barko na kailangan para sa paglalakbay sa lugar, uri ng mga barko na dapat i-lease, at pagkakaroon ng pondo.
Kung itutuloy ng gobyerno ang pag-upa, sinabi ni Lopez na ang mga barko ay dapat na military grade at bahagi ng program modernization ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
