HINIMOK ni FPJ Panday Bayanihan Partylist Rep. Brian Poe ang mga kapwa mambabatas na ipasa ang panukalang nagtatatag ng mekanismo upang mabawasan ang bilang ng nakararanas ng ‘involuntary hunger’ sa bansa.
Sa kanyang sponsorship speech para sa House Bill No. 2196 o Food Waste Reduction Act, umapela si Poe na tugunan ang tinawag niyang pambansang “moral outrage” habang milyon-milyong Pilipino ang patuloy na nakararanas ng involuntary hunger kahit napakaraming pagkaing maaari pang kainin ang itinatapon araw-araw.
“I stand before you to present a measure rooted not just in policy, but in principle and empathy,” ani Poe.
Tinukoy ni Poe ang pinakahuling datos ng Social Weather Stations na nagpapakita ng humigit-kumulang isa sa bawat limang pamilyang Pilipino ang nakaranas ng involuntary hunger.
“We are faced with a shameful paradox: perfectly edible food is discarded daily while approximately one in five Filipino families still endure the pain of involuntary hunger,” saad niya. “We must correct this moral outrage where the hungry walk past overflowing dumpsters.”
Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng isang pambansang sistema na mag-uutos sa mga food manufacturer, supermarket, restaurant, hotel, at culinary schools na i-segregate ang kanilang edible surplus at ibigay ito sa mga accredited food bank.
Dadaan sa inspeksyon ng lokal na health official ang mga donasyong pagkain bago ito ipamahagi sa food banks. Kailangan ring may-ugnayan ang Department of Social Welfare and Development at local government unit (LGU) bago ito ipamigay.
Inaatasan din ng panukala ang mga LGU na i-recycle ang hindi na makakain na food waste at makipag-ugnayan sa mga waste management enterprise upang gawing pataba o compost ang mga ito—isang hakbang upang mabawasan ang basura sa landfill at masuportahan ang sektor ng agrikultura.
Isang mahalagang probisyon ng panukala ay ang pagbibigay ng proteksyon laban sa pananagutan sa mga sertipikadong nag-dodonate ng pagkain kapag naipasa na ang kanilang sobrang pagkain sa mga accredited na food banks.
Ayon sa mga mambabatas na sumusuporta sa panukala ni Poe, nais nitong tugunan ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit nagdadalawang-isip ang mga negosyo na mag-donate: ang takot sa posibleng pananagutan.
Binigyang-diin ni Poe ang kahalagahan ng probisyong ito, na aniya ay “tinatanggal ang pangunahing hadlang” na pumipigil sa pagdating ng surplus food sa mga komunidad na higit na nangangailangan.
Para naman sa mga ‘inedible food waste’, itinatakda ng panukala na ang mga LGU ay makipag-ugnayan sa mga waste management partnership upang gawing pang-agrikulturang gamit ang mga ito.
Binigyang diin niya na ang ganitong pamamaraan ay maglilinis ng ating komunidad, sumusuporta sa sektor ng agrikultura, at malaki ang naiambag sa tunay na circular economy.
Ayon sa mambabatas, ang panukala ay, higit sa lahat, tungkol sa responsableng paggamit ng pambansang yaman, na binibigyang-diin na ang labis na pagkain—mapa-edible man o hindi—ay maaaring gawing kapakipakinabang kung maayos ang pamamahala.
“This is not a partisan issue; it is a human issue,” saad niya.
Dagdag pa ni Poe, layunin ng panukalang batas na gawing daan ang sobrang pagkain upang mapabuti ang komunidad, at maaari ito ang maging instrumento sa pag-angat ng dignidad at pag-unlad ng komunidad.
