ISANG Bureau of Fire Protection (BFP) personnel ang arestado ng pulisya dahil umano sa pagbebenta ng recruitment slot para sa aplikanteng nais makapasok sa serbisyo.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), naaresto ang babaeng BFP personnel noong Agosto 24, 2026 sa parking area ng isang food establishment sa Barangay Maimpis, San Fernando City, Pampanga.
Nagsimula ang operasyon matapos magreklamo ang isang aplikante ng BFP na umano’y alokang makakuha ng recruitment slot kapalit ng bayad.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Zambales at Pampanga Provincial Field Units, Regional Special Operations Group ng Police Regional Office 3, San Fernando City Police Station at BFP Region 3.
Sinabi ni Chief PNP Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. na hindi dapat nabibili ang pagpasok sa serbisyo publiko.
“Ang pagpasok sa serbisyo publiko ay hindi dapat nabibili.”
Ayon kay Nartatez, patuloy na kikilos ang PNP kapag may reklamo o indikasyong ginagamit sa maling paraan ang recruitment process, habang titiyaking maayos at patas ang imbestigasyon.
Nagbabala rin ang PNP sa mga aplikante sa uniformed services na mag-ingat sa mga taong nangangakong makapagbibigay ng recruitment slot, appointment o garantisadong resulta kapalit ng pera.
Hinimok ang publiko na agad ireport sa mga kinauukulang awtoridad ang anumang kahina-hinalang transaksyon o iregularidad sa recruitment process.
