
SA nagdaang deliberasyon ng 2025 national budget sa Kamara, hinimay at binantayan ni OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” Magsino ang pondong nakalaan para sa dalawampung (20) ahensya at departamento ng pamahalaan, kabilang ang Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Department of Foreign Affairs (DFA).
Bilang kinatawan ng sektor ng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Kongreso, tiniyak ni Rep. Magsino na bawat sentimo mula sa buwis at kontribusyon ng ating mga OFWs ay mapupunta sa mga programang tunay na magbibigay ng konkretong benepisyo para sa kanila at sa kanilang mga pamilya sa Fiscal Year 2025.
“Layunin nating tiyakin ang karampatang pondo para sa mga ahensyang may direktang kaugnayan sa ating mga OFW upang mapalakas ang mga programang mag-aangat sa kanilang kalagayan, tulad ng reintegration programs, repatriation assistance, livelihood programs, legal assistance, at social safety nets para sa kanila at kanilang pamilya,” saad ni Rep. Magsino.
Gayunpaman, hindi maitatanggi ang kanyang pagkadismaya sa pagbaba ng pondo ng DMW para sa taong 2025. Sa kabila ng patuloy na pagdami ng mga OFWs na nadedestino sa ibang bansa, ang budget ng DMW ay bumaba mula P7.52 bilyon noong 2024 patungo sa P5.09 bilyon para sa 2025, batay sa National Expenditures Program. Bukod dito, lalo pang bumaba ito sa P4.46 bilyon sa House Bill 10800. Nabawasan din nang bahagya ang pondo ng OWWA.
“Masaklap isipin na sa kabila ng malaking ambag ng mga OFW sa ating ekonomiya, na umaabot ng 2.75 trilyong piso, bumaba pa ang budget ng DMW sa House Bill 10800. Ito’y makakaapekto sa pagpapatupad ng mga programa para sa kapakanan ng ating OFWs at kanilang pamilya,” sabi ni Rep. Magsino.
Ang pagbaba ng pondong nakalaan para sa DMW ay pinuna din ni Minority Leader Marcelino Libanan sa kanyang Turno en Contra.
Isa rin sa mga binigyang-diin ni Rep. Magsino ay ang pondo ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), na target makapagpatayo ng 232,079 housing units sa 2025. Kasama na dito ang mga pabahay para sa mga OFWs na nakapaloob sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing Program (4PH).
Tinutukan din ni Rep. Magsino ang tila pababa nang pababa na pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Right-of-Way (ROW) payments. Noong 2022, ang pondo ng DPWH para dito ay nabawasan ng 94.6%. Ganito din ang nangyari noong 2023 at 2024.
“Ako’y nananawagan na ating mabantayan, sa pangunguna ng ating mga kasamahan na mapapabilang sa Bicameral Conference Committee para sa national budget ng 2025, na huwag mabago ang budget ng DPWH para sa ROW payments. Kung mababawasan man ito, sana’y katamtaman lamang at hindi mistulang kinatay, alang-alang sa mga simpleng mamamayan na nakuhaan ng gobyerno ng ari-arian na hanggang ngayon ay hindi nababayaran.”, sabi ni Rep. Magsino.
Sa mga interpelasyon sa komite at plenaryo, binigyang-pansin din niya ang pondo ng National Labor Relations Commission (NLRC), na nagkaroon ng P3.88 bilyon na trust receipts noong Disyembre 2023. Iminungkahi niyang isama sa budget ng NLRC ang isang probisyon na magpapahintulot sa paggamit ng bahagi ng trust receipts upang mapabilis ang pagpapatupad ng mga desisyon, kabilang ang pagkuha ng karagdagang sheriffs.
Tumagal ng halos dalawang buwan ang mga deliberasyon sa lahat ng mga sangay at ahensya ng pamahalaan mula sa komite hanggang plenaryo. Araw-araw na aktibong nakilahok si Rep. Magsino sa mga deliberasyon bilang boses ng mga OFWs at kanilang pamilya sa pagsusuri at pagpapanday ng mga programa ng pamahalaan.
“Ang pagsusuri sa bawat pondong inihain sa General Appropriations Bill ay hindi lamang isang tungkulin, kundi isang paraan upang ipakita ang ating matibay na paninindigan na itaguyod at ipagtanggol ang karapatan at kapakanan ng mga OFWs. Ang bawat sentimo sa national budget, lalo na ng mga ahensyang may programa para sa ating OFWs at kanilang pamilya, ay dapat mag-ambag sa ikakabuti ng kanilang buhay bilang pagpapahalaga sa sakripisyo at kontribusyon ng ating OFWs sa ating lipunan at ekonomiya.” ani ni Rep. Magsino.