
NALIBING ng buhay ang isang buntis na babae at anim pang iba, kabilang ang apat na menor de edad, sa mga pagguho ng lupa na sa Agoncillo sa Batangas at Angeles City sa Pampanga nang manalasa ang Bagyong “Carina.”
Sa Agoncillo, Batangas, nakilala ang mga biktima bilang sina Denden Malipol Rimas, isang 28-anyos na buntis; ang kanyang siyam-na-taong gulang na anak na si Samantha Rimas Mamugay; at ang mga kapatid na sina Lyca Malipol Rimas, 16 anyos; at Aiza Malipol Rimas, 13 anyos.
Nasa loob ng kanilang bahay na yari sa kawayan sa Sitio Manaloin Bgy. Subic Ilaya ang mga biktima nang maganap ang landslide.
Ang pamilyang Rimas ay nalibing sa ilalim ng mga bato at putik matapos ang patuloy na pag-ulan na naging sanhi ng pagdausdos ng lupa sa kanilang lugar.
Ayon sa imbestigasyon, napansin ng mga kapitbahay ang pagguho ng lupa ng alas-5:30 ng umaga kahapon ngunit ayon sa pulisya, nangyari ang insidente mga alas-9 ng gabi noong Martes.
Dahil sa pangyayari, nag-utos ang lokal na pamahalaan ng pwersahang paglikas ng mga residente sa lugar dahil sa posibilidad ng iba pang pagguho ng lupa.
Ilalagay na sa State of Emergency ang lalawigan ng Batangas ayon kay Governor Hermilando Madanas dahil sa epekto ng Bagyong “Carina” at pinalakas na habagat.
Samantala sa Angeles City naman, isang limang-taong gulang na babae at isang 23-anyos na babae ang namatay habang may isang sugatan sa isang pagguho ng lupa sa Bgy. Pampang.
Sa ulat kay Police Regional Office 3 director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr., tinukoy ni Angeles City Police director Col. Amado Mendoza Jr. ang mga nasawi bilang sina Sweet Dimple Magat Pelayo, 23 anyos, at Diana Joy Pelayo Cerezo, 5 anyos. Ang sugatan ay si Nestor Manio Cerezo Jr.
Lahat sila ay residente ng Purok 5B, Bgy. Pampang, Angeles City.
Narekober ang mga bangkay ng mga biktima ng mga alas-9:15 ng umaga nitong Miyerkules.