INIHAYAG ni Senador Alan Peter Cayetano sa unang pagkakataon ang kanyang saloobin sa mga kontrobersyal na usapin matapos ang kanyang pagdalo sa Closing Ceremony ng Special Action Force (SAF) Commando Course sa Sta. Rosa , Laguna nitong Biyernes (Hunyo 21,2024).
Nilinaw ni Cayetano ang mga kontrobersiyal na kinakaharap ng bagong gusali ng Senado na kinakailangang patuloy na maging factual at magkaroon ng independent review kaugnay sa budget ng proyekto upang matiyak ang mataas na kalidad sa mas mababang halaga.
Sa ambush interbyu ng Laguna media nitong Biyernes , klaro nitong sinabi na “Una sa lahat, sadya akong hindi nagpapa-interview dahil ito ay isang review at fact-finding [activity]. Gusto ko man na bigyan ang media ng pahayag, ngunit para maging lubos na makatarungan ang ating review, mas mabuti na hindi ako magkomento hanggang sa makumpleto ang lahat ng mga katotohanan”..
Binigyang-diin ni Cayetano ang kahalagahan ng paglikha ng isang “iconic at functional” na gusali na magiging “simbolo ng demokrasya” na magbibigay ng pakiramdam na pag-aari ito ng publiko.
“Kung magiging masyadong mamahalin o… kung maging pinakamaluho itong gusali sa buong Pilipinas, hindi ito magiging simbolo ng demokrasya at ipagmamalaki ng ating mga kababayan, kundi maaaring ikasusuklaman pa ng iba,” dagdag pa niya.
Bilang chairperson ng Committee on Accounts (CA), ibinunyag ni Cayetano na may dalawang concurrent review na kanilang isinasagawa: isa na nakatuon sa unang at pangalawang yugto ng proyekto at isa pang pag-aaral sa ikatlong yugto, na nangangailangan ng karagdagang P10 bilyon.
“Sa Phase 1 at 2 na kasalukuyang isinasagawa natin, tinatanong natin kung bakit maraming pagbabago at bakit ganun ang presyo. Pero ito ay patuloy na tinututukan dahil pwede nating i-review habang ginagawa,” paliwanag niya.
“Sa P10 bilyon na sumunod (Phase 3), tinitingnan natin kung ‘can you give the same quality [with lower costing].’ Kaya ang layunin ng Senate President, at aasa akong ng buong Senado, nandun pa rin ang kalidad, secured pa rin ang gusali, pero hindi ganun kalaki ang gastusin,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Cayetano na may “dalawang paraan para itago ang katotohanan” sa publiko: “Ang isa ay hindi magbigay, at ang pangalawa ay magbigay ng buong kuwarto na puno ng mga dokumento. ‘Pag walang binigay, wala tayong malalaman. ‘Pag isang buong kuwarto ng mga dokumento, hindi natin malalaman kung ano doon ang latest at valid.”
Ayon pa sa kanya na binibrief siya ng DPWH at ng isang grupo mula sa Senado, kabilang sina dating CA chairs Senador Nancy Binay at dating Senador Panfilo “Ping” Lacson.
“Ibinigay ko rin sa kanila ang ‘additional instructions’ para mas maging malinaw ang mga detalye ng proyekto,” aniya.
“Nagbibigay ako ng kumpiyansa na lahat ng tanong ay masasagot pagkatapos ng factual at independent review process.
“Sa huli, magkakaroon ng face-to-face na briefing at question-and-answer para maging malinaw ang lahat,” dagdag pa niya.
