NAARESTO ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Lunes ang isang Chinese national at dalawang Pilipinong kasabwat na pinaniniwalaang sangkot sa espionage activities sa bansa
Nahuli ang mga Chinese na si Deng Yuangqing, at ang umano’y Pinoy na kasabwat na sina Ronel Jojo Balundo Besa at Jason Amado Fernandez.
Sinabi ni NBI Director Jaime B. Santiago na si Yuangging ay isang espesyalista sa engineering, control engineering at automation.
Nahuli ang mga suspek noong Biyernes sa isang condominium sa Makati.
Ayon kay Santiago, ang mga suspek ay bumibiyahe sa Luzon mula noong Disyembre 8, 2024 gamit ang isang Toyota Rav-4 na nilagyan ng mga hinihinalang surveillance item.
Batay sa kanilang pagsisiyasat, sina Yuangqing, Balundo at Fernandez ay matatagpuan malapit sa mga site ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), na nagpapataas ng alarma sa pambansang seguridad.
Sinabi ni NBI Cybercrime Division chief Jeremy Lotoc nang arestuhin nila si Yuangging, tinanong nila ito kung siya ay isang lisensyadong surveyor, o kung siya ay kumakatawan sa isang research institution, o kung siya ay nagmula sa isang pribadong kumpanya, kung siya ay isang militar o isang alagad ng batas.
Sinabi ni Lotoc na nabigo ang Chinese national na magpakita ng permit o anumang lisensya o awtoridad.
“I think five years or more na siya sa bansa. And we believe na puwede siyang tawaging ‘sleeper’ kasi, through our monitoring, he was acting just like an ordinary person,” ani Lotoc.
Idinagdag ni Lotoc na maliban sa mga kampo ng militar at pulisya, mga planta ng kuryente, at mga mall, madalas ding pumunta ang mga suspek sa mga EDCA sites.
Sinabi ng NBI at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na natagpuan sa sasakyan ni Yuangging ang mga advanced na espionage device, kabilang ang mga tool para sa pagkolekta at paghahatid ng data.
Kabilang sa mga kagamitang narekober ay isang GNSS RPK Global Navigation Satellite System na may kakayahang makabuo ng mga 3D na larawan ng mga target na istruktura.
Isang espionage complaint kaugnay ng cybercrime ang inihain ng tne NBI laban sa mga suspek sa Department of Justice (DOJ).
