KINUMPIRMA ng dating driver at bodyguard ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang matagal nang napapabalitang codename na “Superman,” kung saan nakilala siya sa mga miyembro ng kilalang Davao Death Squad (DDS).
Si Sanson Buenaventura, retiradong senior police officer na nagsilbing driver at bodyguard ni Duterte mula 1988 hanggang 2008, ay tumestigo na ang codename radio “call sign” ni Duterte sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang Davao City mayor.
Ang pagsisiwalat na ito ay dumating sa testimonya ni Buenaventura sa harap ng House Quad Comm noong Huwebes ng gabi, kung saan tinanong siya ni Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro sa kanyang kaalaman sa tungkulin kay Duterte at sa pagkakaroon ng DDS.
Habang kinikilala ang “Superman” bilang codename ni Duterte, iginiit ni Buenaventura na hindi niya alam ang anumang pormal na organisasyon na tinatawag na DDS, na sinasabing ang pangalan ay nagmula sa mga ulat ng media.
“Mr. Buenaventura, sino po si Superman? Hindi niyo rin po ba alam?” tanong ni Luistro, at koneksyon ng codename sa DDS.
“Iyon ang call sign ni Mayor Duterte noong may radio pa kami,” sagot ni Buenaventura.
Sinabi pa ni Luistro “At least kinumpirma mo na si Superman si Mayor Duterte. Oo, Superman talaga ang tawag sa kanya ng DDS.”
Sinabi rin ni Buenaventura na kilala si Duterte sa codename na ito at ng ibang grupo sa Davao City.
Sa kabila ng kanyang pagiging malapit kay Duterte, nanindigan si Buenaventura na ang kanyang mga tungkulin ay limitado sa pagmamaneho at personal na seguridad, na tinatanggihan ang anumang pagkakasangkot sa mga extrajudicial killings.
Nang tanungin pa ni Luistro upang kumpirmahin ang kanyang kaaalaman sa DDS, sinubukan niyang ilihis, sinabing, “Narinig ko lang ‘yan. Ang nagbigay ng pangalan ‘yan is the media.”
“Everybody in DDS knows Mayor Duterte as Superman. Hindi mo ba kinukumpirma sa Quad Comm ang pagkakaroon ng Davao Death Squad?” tanong pa ni Luistro at sinagot naman ni Buenaventura , “Narinig ko lang, Your Honor. Ang nagbigay ng pangalan ‘yan is the media.”
Giit pa ni Luistro, tinutukoy ang sariling testimonya ni Duterte sa Senado kung saan kinilala ng dating pangulo ang pagkakaroon ng DDS.
“Napanood mo ba ang imbestigasyon ng Senado kung saan humarap ang Presidente? And did you watch him confirm that there is the Davao Death Squad?” tanong niya.
Kinumpirma ni Buenaventura na nakita niya ang testimonya ngunit nanatiling umiiwas, at sinabi lamang, “Siya po ang maysabi,” at inilalayo ang kanyang sarili sa anumang direktang pagkakasangkot o mismong pagkumpirma ng mga operasyon ng DDS.
Ang mga pakikipagpalitan ng sagot ni Buenaventura kay Luistro ang nakikita ng komite sa kanyang katapatan kay Duterte, na nagpapakita ng malalim na personal na ugnayan para sa dating alkalde at pangulo.
Hiniling sa kanya ni Luistro na pagnilayan ang kanyang dalawang dekadang paglilingkod sa ilalim ng pamumuno ni Duterte sa Davao City.
“Mr. Buenaventura, masasabi mo bang buo ang loyalty mo kay Mayor Duterte?” tanong ni Luistro.
At sinagot naman ito ni Buenaventura “Yes, Your Honor. Naging mabait po siya sa akin at sa pamilya ko. Kung may problema, andiyan po siya para tumulong.”
Idiniin pa, kinuwestiyon ni Luistro kung ang katapatan ni Buenaventura ay maaaring umabot sa pagprotekta sa reputasyon ni Duterte. “Kaya kung may mga utos na lalampas sa iyong mga regular na tungkulin, tatanungin mo ba sila, o ang iyong katapatan sa kanya ay hindi mapag-aalinlanganan?” tanong niya.
Sagot ni Buenaventura, “Your Honor, bilang driver at security ni Mayor Duterte, ang trabaho ko ay alagaan siya at sundin ang mga utos niya bilang public servant. Pero hindi po totoo na nasangkot ako sa kahit anong labas sa trabaho ko.”
Pagpapatuloy ni Luistro, “Ngunit kung ang mga tao mula sa DDS, o sinuman sa loob ng lupon ni Duterte, ay tumanggap ng mga utos ng ‘Superman’ na higit pa sa proteksyon at seguridad, sinasabi mo ba sa amin na hindi mo malalaman ito?”
Nanindigan si Buenaventura na wala siyang kinalaman sa anumang gawain ng DDS at siya ay driver lamang ni dating pangulong Duterte.
Bagama’t itinanggi rin niya ang pagkakasangkot, makikita sa mga talaan na nabanggit siya sa iba’t ibang testimonya tungkol sa DDS.
Tulad ng self-confessed DDS hitman na si Arturo Lascañas, sa kanyang 2017 affidavit, ay kinilala si Buenaventura bilang isang may kinalaman sa DDS, responsable sa logistics at finances, at nagsilbing liaison sa mga ipag-uutos ni Duterte.
Sa mga naunang affidavit, inilarawan ng isang testigo na kilala bilang “Jose Basilio” si Buenaventura bilang operational na “big boss” ng Heinous Crime Investigation Section, na umano’y responsable sa pag-isyu ng mga clearance para sa mga operasyon ng DDS na nagta-target sa mga pinaghihinalaang kriminal.
Sinabi pa ni Basilio na ang mga tagubilin ni Buenaventura, na inaakalang nagmumula mismo kay Duterte, ay nag-utos ng pagsunod sa mga operatiba ng DDS.
Binanggit din ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office General Manager Royina Garma si Buenaventura sa kanyang mga testimonya sa harap ng Quad Comm, kung saan kinumpirma niya ang reward system sa brutal na war on drugs ni Duterte, na diumano ay sumusunod sa tinatawag na “Davao Template.”
Si Garma, isang retiradong police colonel na malapit na nauugnay kay Duterte, ay nagsabi na si Buenaventura ang “nagbigay ng direktang nagbabayad ng ₱20,000 sa mga station commander” sa Davao City “para sa pagpagpatay sa mga [drug] suspects.”