
ITUTULOY pa rin ng Commission on Elections (Comelec) pagbabaklas ng mga campaign posters na sobra sa itinakdang sukat sa ilalim ng Omnibus Election Code , bagaman naglabas na ng Temporary Restraining Order (TRO) ng Korte Suprema.
target din baklasin ng Comelec ang mga materyales na nakapaskil sa mga lugar sa labas ng itinakdang common posting area bukod sa mga oversized posters at tarpaulins.
Nilinaw ni Director James Jimenez na tumatayong tagapagsalita ng Comelec, hindi na nila pakikialaman ang mga campaign materials na nakapaskil sa mga pribadong lugar, sa kundisyong may pahintulot ng mismong may-ari ng istrukturang kinabitan ng mga posters at tarpaulins ng mga kandidatong kalahok sa halalan sa Mayo.
“Do’n sa mga areas na ine-enjoin, siyempre hindi tayo magtutuloy doon. Pero hindi naman in-enjoin lahat eh. So ‘yung pagbabaklas doon na malinaw na talagang pasok sa authority ng Comelec, ‘yung pagbabaklas sa mga public spaces, kailangan magtuloy ‘yan,” dagdag pa niya.
“Pero doon sa areas na in-enjoin, ‘yung pagbabaklas sa private spaces, ‘yun ang tigil muna.”
Araw ng Martes nang ilabas ng Korte Suprema ang TRO bilang tugon sa petisyong inihain ng mga tagasuporta ng isang kandidato sa posisyon ng Pangulo.