
PANSAMANTALANG ipinagbawal ng Department of Agriculture (DA) ang importasyon ng mga ibon at mga poultry products mula sa Michigan, USA.
Ito ay makaraang maiulat ng US Chief Veterinary Officer to the World Organization for Animal Health (WOAH) ng pagkalat ng H5N1 na subtype ng Highly Pathogenic Avian Influenza (AI) sa Michigan.
Ayon sa DA, agad na pinawalang bisa ni DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang importasyon ng domestic at wild birds at iba pang kaugnay na mga produkto, kabilang ang karne ng manok, mga day-old chicks, itlog, at semilya mula sa nabanggit na estado.
Maaaring payagan ang mga pagpapadala mula sa Michigan na nasa transit, nakabukas, o tinanggap sa mga pantalan bago ang paglabas ng June 7 Memorandum Order 24 kung ang mga ito ay “processed or produced” sa loob ng 14 araw bago ang unang ulat ng pagkalat.
Samantala, inihayag din ng DA ang pagtatanggal ng pagbabawal sa importasyon para sa mga ibon at iba pang mga produkto ng manok mula sa Ohio sa ilalim ng Memorandum Order 23.
Kabilang dito ang domestic, wild birds, karne ng manok, day-old chicks, itlog, at semilya, na lahat ay ipinagbawal mula noong gitna ng Enero dahil sa pagsiklab ng AI.