INIHAYAG ni Interior Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla nitong Miyerkules na snasagip ng joint operatives na isang 14-anyos na lalaking Chinese student na pinutol ng daliri ng kanyang mga kidnappers.
Ang biktima, isang estudyante ng isang international school sa Taguig City na dinukot noong Pebrero 20.
Ayon kay Remulla, iniwan ng mga kidnapper ang estudyante sa kahabaan ng kalsada sa Parañaque City sa isinagawang hot pursuit operation.
Pinangunahan ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG), sa pakikipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at National Capital Region Police Office (NCRPO), ang rescue operation.
Sinabi ng DILG chief na walang ransom ang binayaran ngunit kinumpirma na naputol ang bahagi ng daliri ng bata.
Ligtas na nabawi ang menor de edad at agad na nakasama ang kanyang ama.
Kasalukuyang ginagamot sa ospital ang biktima.
Tiniyak ni Remulla sa biktima at sa kanyang pamilya na makakamit ang hustisya.
Ipinaalam niya sa pamilya na natukoy na ang mga kidnapper at tinutugis ng mga pulis.
Ang bata ay kinidnap noong Pebrero 20 kasama ang kanilang driver ng pamilya at iniulat na nawawala kinabukasan.
Pinatay umano ng mga dumukot ang driver.
Dagdag pa ni Remulla, isang sindikatong sangkot sa operasyon ng isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) noon ang nasa likod ng kidnapping.
”We are definite na ang sindikato na nasa likod ng kidnapping ay former operators ng POGO din. We are definite na ang perpetrators ay ginamit ang kanilang former bodyguards na AWOL na ngayon sa serbisyo ng AFP at PNP,” sabi pa ni Remulla sa press briefing ng Malacanan Palace.
Nagpahayag siya ng paniniwala na may kinalaman sa pera ang pagdukot.
Tiniyak naman ng DILG chief na ma-neutralize ang mga suspek sa lalong madaling panahon.
