SINIMULAN na ng Kamara ngayong Lunes ang debate sa plenaryo para sa pag-apruba ng Resolution of Both Houses (RBH) No. 7 sa ikalawang pagbasa matapos pagtibayin ang Committee Report No. 985 nang walang amyenda noong nakaraang linggo.
Ipinapanukala ng RBH 7 ang mga amyenda sa mga Articles XII, XIV at XVI ng 1987 Konstitusyon, na nakatuon sa mga pangunahing paksa tulad ng mga public utilities, edukasyon at mga sektor ng advertising.
Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Majority Leader Manuel Jose Dalipe na ang panukalang amyenda ay lubos na napakahalaga sa kaunlaran ng Pilipinas, na maglalagay sa bansa sa antas ng bumibilis na pandaigdigang ekonomiya.
“We must adapt and take advantage of the benefits that economic globalization offers and the positive effects it may bring to our country and the Filipino people,” aniya.
Ayon kay Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., ang mga inputs ng mga dalubhasa ay nagbigay linaw sa mga potensyal na benepisyo, at tutugon sa mga alalahanin hinggil sa pagbubukas ng ekonomiya sa mga foreign investments.
Binigyang-diin niya na ang mga amyenda sa probisyon ng mga public utilities ay makakahikayat ng mahahalagang pamuhunan, magpapaunlad ng kumpetisyon, magpapaunlad ng paghahatid ng serbisyo at makakalikha ng matataas na kalidad ng oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino.
Ipinaliwanag ni Gonzales na ang pagliliberal sa sektor ng edukasyon ay magpapaunlad sa pamuhunan ng katalinuhan, para sa mabilis na paglago ng ekonomiya.
Sa industriya ng advertising, bibigyang daan ng mga amyenda ang pagkamalikhain ng mga Pilipino, upang makilala sa pandaigdigang larangan, aniya.
Sang-ayon ang dalawang mambabatas, na ang pagdagdag ng mga katagang “unless otherwise provided by law” ay maggagawad sa Kongreso ng kapangyarihan na baguhin ang restriksyong ito, at pahintulutan ang mas malawak na kagaanan sa polisiya ng ekonomiya, lalo na sa mga pabago-bagong kalagayan ng ekonomiya.
Nanawagan rin sila sa mga kapwa mambabatas na magkaisa sa suporta para sa RBH 7, upang mailatag ang isang balangkas para sa isang masigla at inklusibong lipunan.
Sa kanyang panawagan sa mga conterparts sa Senado, sinabi ni Gonzales na ito na ang wastong panahon upang amyendahan ang mga probisyong pang-ekonomiya ng 1987 Konstitusyon. “Let us not fail the Filipino people once more.
We, in the House of Representatives, have exhausted every step to help our nation. It is time to work collectively and in harmony patungo sa bagong Pilipinas!” ani Gonzales.
Nakita ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, chairman ng Komite ng Constitutional Amendments, na ang pag-apruba ng RBH 7 sa ikalawang pagbasa bilang “a bright light at the end of the tunnel.”
“Today to dispel fears or to conjure fears, we now say that this has nothing to do with political amendments, res ipsa loquitur. I have here our Committee Report where only economic amendments stated amendments to Article XII, XIV and XVI,” ayon kay Rodriguez.
Binanggit ni Rodriguez ang pinakahuling ASEAN FDI database (March 10, 2024) na nagpapakita na nagpapakita na ang daloy ng foreign direct investments sa Pilipinas na nasa USD9.366 bilyon lamang, at nahuhuli tayo sa Indonesia na may (USD22.115 bilyon), Malaysia (USD17.095 bilyon), Vietnam (USD17.899 bilyon) at Thailand (USD11.218 bilyon).
Binanggit niya rin na sa ulat ng World Bank, ay nagpapakita na ang Pilipinas, sa average na (20.70) ay pinakamababa sa gross capital formation bilang porsyento ng GDP mula 1992 hanggang 2021 sa mga kalapit-bansa sa Asya na Vietnam (31.85), Indonesia (29.44), Thailand (27.66) at Malaysia (26.99). Aniya, 25 taon na ang nakakaraan nang inirekomenda ng Preparatory Commission on Constitutional Reforms (PCCR) batay sa mga datos sa layunin, na ang mga polisya sa ekonomiya ay hindi dapat na amyendahan sa Konstitusyon, kungdi hayaang iatang ang ugnayang panlabas sa mga economic managers at ng Kongreso, depende sa mga pangangailan ng panahon.
Sinabi niya na ang pagkakaiba sa pagitan ng RBH 6 at RBH 7 ay maaaring mapagkasundo sa bicameral conference committee.
Ang usapin sa pagboto kung ang dalawang kapulungan ay boboto ng magkasabay o magkahiwalay ay isang politikal na usapin, aniya.
“The second question to be resolved is on efficacity – to produce the right results, that amendments through RBH 7 should be efficacious as it is urgently needed,” punto niya, “Congress has to act now as the people’s elected representatives,” dagdag niya.