ISINUSULONG ni Senador Win Gatchalian ang pagpapabilis ng digitalization upang matiyak na may sapat na learning materials ang mga mag-aaral ng bansa.
Lumabas kasi sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA) na mas mataas ang Pilipinas sa index ng kakulangan ng learning materials kung ihahambing sa ibang bansa na bahagi ng Organisation for Economic Co-Operation and Development (OECD). Ang isang unit na pagtaas sa index ng kakulangan sa learning materials ay nagresulta sa pagbaba ng apat na puntos sa mathematical performance.
Lumabas din sa naturang pag-aaral na 55% ng mga mag-aaral ay pumapasok sa mga paaralan kung saan iniulat ng mga punong-guro nila ang kawalan ng educational materials, kabilang ang mga textbook, international and communications technology (ICT) equipment, library o laboratory materials. Samantala, 49% naman ang mga nasa paaralan kung saan iniulat ng mga punong-guro nila ang kakulangan o mababang kalidad ng mga educational materials.
Anim sa 10 mag-aaral ang mga nasa paaralan kung saan iniulat ng kanilang mga punong-guro ang kakulangan sa mga digital resources (63%) at mababang kalidad ng digital resources (63%), kabilang ang laptop computers, internet access, learning management systems, o mga school learning platforms.
Ngunit lumabas din sa resulta ng PISA na kung ihahambing sa ibang mga bansang bahagi ng OECD, mas positibo ang naging karanasan ng mga mag-aaral na Pilipino sa home-based learning. Pitumpu’t siyam na porsyento ng mga mag-aaral ang nagsabing inangat ng distance learning ang kanilang kakayahang gumamit ng mga digital devices para sa pag-aaral, samantalang 83% naman ang nagsabing handa ang mga guro na magpatupad ng distance learning.
Lumabas din sa PISA na umaabot sa 10.7 oras ang ginugugol ng mga 15-taong gulang na mag-aaral sa mga digital resources, anim sa pag-aaral at 4.7 para sa leisure. Naiuugnay ang bawat isang oras na paggamit ng digital devices sa pag-aaral sa tatlong puntos na pagtaas sa kanilang score sa math, ngunit nagdudulot naman ng pagbaba ng apat na puntos pag ginagamit sa leisure o paglilibang.
Para kay Gatchalian, ipinapakita ng mga datos na ito at sa karanasan ng bansa noong panahon ng pandemya ang pangangailangang tuldukan ang digital divide at palawakin ang paggamit sa digital education upang isulong ang modernisasyona at inobasyon sa sektor. Binigyang diin niya rin na dapat tiyaking patuloy ang pag-aaral magkaroon man ng mga sakuna.
Kabilang sa mga inihaing panukalang batas ni Gatchalian na may kinalaman sa digitalization ang Digital Transformation in Basic Education Act (Senate Bill No. 383), Philippine Online Library Act (Senate Bill No. 477), at ang One Learner, One Laptop Act (Senate Bill No. 474).
