
NAHAHARAP sa disqualification complaints ang mag-asawang sina Laguna Gov. Ramil Hernandez at 2nd district Rep. Ruth Hernandez sa Commission on Elections (Comelec) .
Ang mga kaso ng disqualification ay isinampa noong Huwebes ng private citizen na si Celito Baron laban sa mag-asawang Hernandez dahil sa umano’y pagbili ng boto at misuse of government resources.
Si Gobernador Hernandez ay tumatakbo bilang kongresista ng ikalawang distrito ng Laguna, habang ang kanyang asawang si Rep. Hernandez, ay tumatakbo bilang gobernador.
Inakusahan ni Baron na ang mag-asawa na magpapalitan ng posisyon sa darating na halalan, ay naugnay sa pagbili ng boto sa pamamagitan ng pamimigay ng mga t-shirt na may kani-kanilang larawan, pagkain, bote ng tubig, at mga sobre na naglalaman ng P2,000 matapos orientation at training session ng mga poll watchers.
Inakusahan din ng nagrereklamo ang mag-asawa ng paggamit ng mga health card na ibinigay ng gobyerno na kilala bilang “blue card,” upang makakuha ng suporta sa botante.
Sa ngayon ay wala pang pahayag ang mag-asawang Hernandez hinggil sa disqualification petition.