NAGPAPASALAMAT si Transportation Secretary Vince Dizon sa NLEX Corp. sa pagdinig sa panawagan ng Department of Transportation (DOTr) na magpataw ng pansamantalang toll relief mula sa Balintawak hanggang Meycauayan na bahagi ng expressway hanggang sa matapos ang emergency repairs ng Marilao Interchange Bridge.
Sinabi ni Dizon na ang toll relief ay makatutulong sa pagpapagaan ng pasanin ng nawawalang oras para sa mga motorista at commuter sa kahabaan ng expressway dahil sa vehicular gridlock na umaabot hanggang Balintawak at Bocaue.
Nauna na rin niyang inatasan ang NLEX na pabilisin ang repair works na dapat matapos sa katapusan ng buwan.
“Nagpapasalamat po ang DOTr at buong pamahalaan sa NLEX Corp. dahil ‘yung hiniling natin sa kanila na i-libre muna ‘yung toll sa area na grabe ang traffic sa expressway. Maraming salamat po kay Mr. Manny Pangilinan at sa leadership ng NLEX at Metro Pacific Tollway Corp.,” ani ni Dizon .
“Malaking bagay po ‘yan para kahit papano mabawasan naman yung hirap ng mga kababayan natin na naaaberya ngayon dahil sa construction sa Marilao,”
Isinara ng NLEX Corp. ang dalawang gitnang bahagi ng expressway sa Marilao para sa round the clock safety repairs ng nasirang tulay matapos bumangga sa interchange ang isang trailer truck, na lumampas sa pinapayagang vertical limit.
