MAHIGPIT na binabantayan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga security incident na kinasasangkutan ng mga commercial vessel sa Black Sea.
Sa press conference noong Hulyo 20, 2026, inilahad ng ahensya na siyam na barko na may dalang 139 Pilipinong seaman ang inatake ng drone habang naglalayag o nakadaong sa mga pantalan ng Ukraine at Russia.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac, 124 sa mga Pilipinong seaman ang nakumpirmang ligtas at walang tinamong pinsala. Dalawa naman ang namatay at 12 ang nasugatan sa mga pag-atake, habang isang seaman pa ang nawawala hanggang ngayon.
Karamihan sa mga naapektuhang barko ay bulk carrier at oil o product tanker, na tinamaan ng unmanned aerial vehicle (UAV) habang nakadaong, nakaangkla, o kaka-alis pa lamang.
“We shall continue, per the President’s directive, to closely monitor developments in the area and consider adopting additional protective measures to safeguard Filipino seafarers deployed on vessels within the Black Sea,” pahayag ni Secretary Cacdac sa press conference sa DMW Central Office.
Nagbibigay ang DMW ng medical treatment, psychological support, evacuation, repatriation, at iba pang agarang tulong sa mga apektadong Pilipinong seaman. Apat na sa mga nasugatan ang naipauwi na sa bansa.
Aniya, patuloy pa rin ang pagsisikap na mabawi at maipauwi ang labi ng mga namatay na crew member, mahanap ang nawawalang seaman, at maisaayos ang pag-uwi ng iba pang apektadong seafares.
