HINARANG at hindi pinapasok sa Pilipinas ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 49-anyos na Omani national na may INTERPOL alert, matapos matukoy ng Advance Passenger Information System (APIS) ang kanyang pagdating bago pa man lumapag ang eroplano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Ayon sa BI, natanggap ang alerto noong Hulyo 10 habang sakay ang dayuhan ng flight mula Doha, Qatar. Mahigit siyam na oras bago ang kanyang pagdating ay natukoy na ng APIS ang INTERPOL notice, dahilan upang makapaghanda ang mga awtoridad.
Agad na nakipag-ugnayan ang BI APIS Operations Center sa BI INTERPOL Unit para sa beripikasyon at kalaunan ay ipinakilos ang BI Anti-Terrorist Group upang harangin ang dayuhan paglapag nito sa NAIA Terminal 3.
Batay sa impormasyon ng INTERPOL, pinaniniwalaang bumiyahe ang dayuhan upang makibahagi sa mga aktibidad na may kaugnayan sa terorismo. Dahil dito, hindi siya pinayagang makapasok sa bansa alinsunod sa umiiral na immigration laws at national security protocols.
Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang maagap at magkakaugnay na aksyon ng mga tauhan ng BI, at binigyang-diin ang mahalagang papel ng APIS sa pagpapatibay ng seguridad sa hangganan ng bansa at pagpigil sa pagpasok ng mga banta sa pambansang seguridad.
