DOTr dapat tiyakin ang ligtas, maayos na biyahe ng mga pasahero

HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Department of Transportation (DOTr) na tiyaking ligtas at walang problema sa paglalakbay ang mga pasahero ng transportasyong panlupa, pandagat, at panghimpapawid, lalo na sa inaasahang dagsa ng tao palabas ng Metro Manila kasunod ng pinalawig na holiday period.

Binigyang-diin ni Gatchalian ang kritikal na pangangailangan para sa DOTr na magtatag ng maayos na koordinasyon sa mga pantalan, paliparan, at mga bus terminal, kasama ang paglalaan ng karagdagang mga tauhan upang magbigay ng assistance sa mga pasahero at motorista. “Ang sama-samang pagsisikap na ito ay naglalayong matugunan nang mabilis ang anumang isyu o problema sa oras ng byahe,” sabi ni Gatchalian.

Kung ikukumpara sa mga nagdaang ‘Undas’, inaasahang mas maraming Pilipino ang magbibiyahe sa iba’t ibang probinsya o tourist spots at sa ibang bansa ngayong taon para samantalahin ang pinahabang bakasyon dahil sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections hanggang sa All Saints Day at All Souls Day.

Pagdating sa mga airport, sinabi ni Gatchalian na kinakailangang magpatupad ng mahigpit na mga hakbang upang maiwasan ang nagdaang pagsabog ng bomba sa open parking ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Setyembre 23. Ayon sa report, naaresto na ang suspek sa naturang pagsabog na nakapinsala ng tatlong pribadong sasakyan. Dagdag ni Gatchalian, kabilang sa mga hakbang na dapat ipatupad ang mas mahigpit na security protocols, mas advanced na detection technologies, at mas pinahusay na safety measures para sa mga pasahero at mga tauhan ng mga airport.

Mas mahigpit rin, aniya, ang mga hakbang na dapat ipatupad sa mga seaport, kabilang ang tuloy-tuloy na maintenance ng mga sasakyang pandagat, pagkakaroon ng mga life-saving equipment, pati na ang mga well-trained na crew upang iwas aksidente.

Pagdating naman sa land travel, binigyang-diin ni Gatchalian na dapat tugunan ng Toll Regulatory Board (TRB) ang karaniwang mga bottleneck ng sasakyan na nararanasan ng mga biyahero tuwing peak season. Kabilang dito ang mga inaasahang choke point sa kahabaan ng mga pangunahing toll road, tulad ng South Luzon Expressway at North Luzon Expressway. Hinikayat din ng senador na gumamit ng Radio-frequency identification (RFID) system para sa pagbabayad ng toll at i-pre-load ang kanilang mga account para sa mas maayos at mas maginhawang paglalakbay.