
INAAMIN ni dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes na siya ay mayroong death squad na mga gangster upang patayin ang mga kriminal noong siya ay alkalde pa ng Davao City.
Sinabi rin ni Duterte na habang siya ay nanunungkulan noong panahon ng kanyang pagka-presidente at bilang alkalde ng Davao na inutusan niya ang mga pulis na “hikayatin” ang mga suspek ng krimen na lumaban at “ilabas ang kanilang baril” upang majustify ang mga pagpatay.
Sa unang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa imbestigasyon ng ‘war on drugs’ ng administrasyong Duterte, sinabi nitongh na hindi sangkot ang mga pulis sa death squad.
“Ako, na lang ang makulong kung makulong. Maaari kong aminin ngayon kung gusto mo. Talagang niyayari ko pero ‘wag mo naman idamay iyong pulis, kawawa naman,” sabi ni Duterte.
“Meron akong death squad pero hindi ‘yung mga pulis. Sila rin ‘yung mga gangster,” dagdag niya.
“‘Yong isang gangster, utusan ko, patayin mo ‘yan. Kasi kung hindi mo patayin ‘yan, patayin kita ngayon,” aniya pa.
Tinanong ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang dating pangulo tungkol sa mga detalye ng death squad, ngunit sinabi ni Duterte na ang mga kasangkot ay wala na o maaaring patay na.
Sinabi rin ni Duterte na nakalimutan na niya ang mga pangalan ng mga miyembro ng death squad.
“Alam mo, noong ako ay alkalde, 43 anyos, ngayon 73 na ako. Sa buhay ko, hindi ko na maalala ang pangalan,” sabi niya.
Sinabi rin ni Duterte na ang pitong miyembro ng death squad ay hindi binayaran para sa pagpatay dahil sila ay mayayaman na.
Hindi siya mag-aalok ng paghingi ng tawad para sa pagkamatay ng mga inosenteng biktima.
“Ginawa ko ang kailangan kong gawin, at kung maniwala ka o hindi, ginawa ko ito para sa aking bansa. Nagtatanim ako ng galit sa droga, walang pagkakamali doon,” sabi ni Duterte.
Naroon din sa pagdinig si ex-senator Leila de Lima, ang pinaka-masugid na kritiko ni Duterte na nakulong ngunit pinalaya matapos mapawalang-sala sa lahat ng kasong kriminal na isinampa laban sa kanya.