MAGLULUNSAD ang pamahalaang lungsod ng Quezon City ng mga electric bus na magbibigay ng libreng sakay sa mga residente nito.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte noong Miyerkules, ipinapakita ng proyekto ang dedikasyon ng pamahalaang lungsod sa mga makakalikasang gawain.
“Excited kami na ilunsad ang mga electric bus na ito bilang bahagi ng aming pagsusumikap na ipatupad ang mga programa at environmental sustainability,” ani Belmonte.
Sinabi ni Belmonte na nakabili ang lungsod ng walong electric bus na may kapasidad na 41 na upuan bawat isa.
Ayon sa kanya, may sapat na espasyo ang bawat electric bus para sa mga nakatayong pasahero at may wheelchair ramps din ito para sa mga Persons with Disabilities (PWD) upang masiguro ang kanilang komportableng paggalaw.
Dagdag pa niya, magsisimula ang initial testing sa mga bus sa loob ng ilang linggo.
Ang pagbili ng mga electric bus ay bahagi ng layunin ng lungsod na mabawasan ang greenhouse gas emissions ng 30 porsyento pagsapit ng 2030.
Ang walong electric bus ay idaragdag sa higit 100 QCity buses na bumabyahe sa mga pangunahing ruta ng Quezon City at nag-aalok ng libreng sakay.
