
SA gitna ng kabi-kabilang kinasasangkutang kontrobersya, kabilang ang pagdukot sa 31 sabungero sa Maynila, Bulacan at Calabarzon region mula pa nitong nakaraang taon , mas angkop na lansagin na lamang ng pamahalaan ang operasyon ng nauusong e-sabong kaysa bigyan ng prangkisa.
Lubhang masama ang impluwensiyang dala at perwisyong dulot ng e-sabong, kaya naman mas mainam na lang kung ibasura ng Kongreso ang inihaing aplikasyon para sa congressional franchise, kasabay ng panawagan para sa agarang tigil-operasyon ng palarong kinahuhumalingan ng milyon-milyong Pilipino ito ang hayagang sinabi
ni Deputy Speaker Eddie Villanueva.
“A Congressional license on e-sabong will only deepen a destructive get-rich-quick culture among our people. Instead, Congress should not grant legislative franchise to e-sabong operators,” ani Villanueva.
Hanggang sa kasalukuyan, wala ni isa man lang sa 31 kataong dinukot mula ba 2021 ang natunton ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na kapwa nagsasagawa ng imbestigasyon sa hangaring matukoy at mapanagot ang mga sangkot sa pagkawala ng mga sinasabing sabungero.
Batay sa mga naglabasang ulat sa telebisyon, radyo at peryodiko, lumalabas na sangkot umano sa game-fixing ang mga biktima.
Sa rekord ng Kamara, isa lang sa walong aplikante para sa congressional franchise ang sinang-ayunan ng Mababang Kapulungan – prangkisang natengga pa nang patulugin ng Senado.
Sa kabila ng kawang prangkisa, patuloy ang operasyon ng e-sabong gamit ang permit mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).