
PINAWALANG -SALA ng Sandiganbayan ang dating alkalde ng lungsod ng Makati na si Elenita Binay sa kasong graft at malversation of public funds kaugnay ng umano’y iregularidad na pagbili ng kagamitan sa ospital para sa Ospital ng Makati na nagkakahalaga ng P9.9 milyon.
Ang mga kagamitang binili noong 2001, ay umano’y hindi sumailalim sa public bidding.
Ayon sa desisyon, hindi nagtagumpay ang prosecution na patunayang guilty beyond reasonable doubt si Binay .
Ibinasura ng Fourth Division ng Anti-Graft Court ang mga kaso laban kay Binay at ilang iba pa dahil sa kakulangan ng ebidensya upang suportahan ang paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at Article 217 ng Revised Penal Code.
Gayunpaman, inilabas ng korte ang hatol na pagkakakulong kay city administrative officer Jaime delos Reyes at supply officer Conrado Pamintuan para sa parehong mga paglabag.
Si Delos Reyes at Pamintuan, na nahatulan ng guilty sa graft, kaya ikinulong ng anim hanggang walong taon at may perpetual disqualification sa holding public office.
Nakapagpiyansa ang dalawang akusado para sa kanilang pansamantalang paglaya at sinabing aapela sila sa hatol.
Bilang tugon sa hatol, agad na binawi ng Sandiganbayan ang hold departure order laban kay Binay at iba pa, habang iniutos din ang pagbalik ng kanilang posted bail bonds. Si Binay ay asawa ni dating Bise Presidente Jejomar Binay.