NAGSAMPA ng mga reklamong graft at malversation sa tanggapan ng Ombudsman ang dating Mayor ng Caloocan City na si Rey Malonzo laban kay Caloocan 3rd District Representative Dean Asistio kaugnay ng ilang umano’y maanomalyang proyektong imprastraktura sa Caloocan City.
Ayon kay Malonzo, sakop ng reklamo ang mga proyekto na umano’y may kinalaman sa mga public works na nagkakahalaga ng milyun-milyong piso.
Kabilang sa mga proyektong binanggit ay ang umano’y P6.7-milyong proyekto sa rehabilitasyon ng kalsada at drainage sa Carmelite Village, Barangay 187, na sinasabi ni Malonzo na “zero physical footprint.”
Kasama rin ang isang umano’y P19.2-milyong istrukturang flood control sa Barangay 187 na umano’y hindi naman talaga ginawa at ginamit lamang ang digital na litrato para sa dokumentasyon ng proyekto.
Kinuwestiyon din sa reklamo ang isang P11.7-milyong proyekto sa pagtatayo ng kalsada sa Barangay 159, na umano’y gumamit ng mga hindi magkakatugmang litrato upang itago at malito dahil sa wala namang talagang ginawang konstruksyon.
Isa pang proyektong nakatala ang gusali na nagkakahalaga ng P2.9 milyon sa Barangay 177, na diumano’y isang bahagyang renovation sa opisina ng Homeowners na siyang ipinakita bilang isang na tapos na covered court.
Inakusahan pa ni Malonzo ang mga respondent ng “location fraud ” na kinasasangkutan ng isang proyektong nagkakahalaga ng P19.2 milyon sa Rivera Bukid, na inaangkin na ang mga larawang kuha sa Barangay 159 ay diumano’y ginamit upang bpatunayan na ang gawaing diumano’y isinagawa sa Barangay 163.
Kasama rin sa reklamo ang dalawang diumano’y sobrang mahal na proyekto sa Barangay 187: isang proyektong day care center na nagkakahalaga ng P9.6 milyon na minor renovation at isang proyektong rehabilitasyon ng covered court na nagkakahalaga ng P9.7 milyon na diumano’y pagpapalit ng wala pang 25 roofing sheet na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P150,000.
Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag ang inilalabas na pahayag ng kampo ni Asistio tungkol sa mga paratang.
