GINIIT ni incoming Senator Erwin Tulfo na dapat manatili sa kulungan si JJ Javier, ang umano’y land grabber na kasalukuyang nakakulong sa Camp Crame, sa kabila ng mga alegasyong suhulan, illegal possession of firearms and explosives, at large-scale o syndicated estafa.
Ibinunyag ni Tulfo na may mga nakarating sa kanya na sinusubukan umanong suhulan ni Javier ang mga awtoridad para mapalaya at mabasura na ang mga kaso nito.
“Hindi ito katanggap-tanggap. Nahuli siya dahil sa simpleng traffic violation, kung saan natagpuan ng pulisya ang isang C4 bomb at mga di lisensyadong baril sa kanyang sasakyan.
Sinubukan niyang tumakas at may mga kaso pa siya ng estafa at pangangamkam ng lupa, kaya lalong di siya dapat hayaang makalaya,” pagdiiin ng incoming Senator.
Matatandaang inaresto si Javier ng PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa Parañaque City noong Hunyo 13. Ngunit napapabalitang tila nabasura ang kanyang mga traffic violations, sa kabila ng bigat ng mga armas na nakuha mula sa kanyang sasakyan.
Naalarma si Tulfo sa mga umuugong na balitang sumusubok na gumamit ng padrino si Javier kaya agad siyang sumangguni kay PNP Chief General Nicolas Torre III na siya namang mabilis na rumesponde. “Pumunta ako kay General Torre.
Sabi ko ‘sir, baka pwedeng tulungan mo kami.’ Pinatawag niya ‘yung hepe ng HPG para masigurong di makakalaya iyan at siguradong tight ang ating ebidensya,” paglalahad ni Tulfo
Sa interbensyon ni Gen. Torre, nagsampa na ng kaso ang Quezon City Prosecutor laban kay Javier para sa Illegal Possession of Explosives (non-bailable), Illegal Possession of Firearms, at Obstruction of Justice, na may kaukulang rekomendadong piyansa para sa iba.
Bukod dito, tiniyak rin ni Tulfo ang suporta ni Gen. Torre at ng buong PNP para sa demolisyon ng mga iligal na harang, bakod, at gate na umano’y itinayo ng kampo ni Javier sa kagubatan ng Doña Remedios Trinidad, Bulacan.
Itinakda ang demolisyon sa Martes, Hunyo 24.Matatandaang naglabas ng utos si Tulfo sa Pamahalaang Lokal ng DRT, Bulacan at sa DENR Region III upang gibain ang mga iligal na istrukturang ito na nagdulot ng panggigipit at pagkalikas ng daan-daang magsasaka at residente sa lugar.
