HINIMOK ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson ang publiko na isumbong sa awtoridad ang mga gasolinahang maagang nagtataas ng presyo ng langis, kasunod ng mga ulat na may ilang establisimyento ang nagtaas na ng pump prices bago ang nakatakdang price adjustment.
Giit ni Lacson, ang maagang pagtataas ng presyo ng langis ay lumalabag sa Republic Act No. 8479 o ang Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998; at Republic Act No. 7394 o ang Consumer Act of the Philippines.
Maaaring magsumbong ang mamamayan sa Philippine National Police o sa mga local government units (LGUs), aniya.
“Amid reports that some gasoline stations have already increased prices, they must be reported to authorities. Here’s why – Raising prices ahead of schedule or hoarding fuel may be liable for: 1) Hoarding & Profiteering – RA 8479; and 2) Unfair or deceptive sales practice – RA 7394,” aniya sa X.
“(You can report violations to the) PNP or LGU’s. As per DOE Sec Sharon Garin, they have cascaded instructions to the PNP, LGU’s, etc. to monitor and report violations so appropriate criminal and administrative proceedings may be initiated against erring gas station operators,” dagdag niya.
Diin ni Lacson, ang pagiging mapagmatyag ng mga mamimili at ang agarang pag-uulat ng mga iregularidad ay makatutulong sa mga awtoridad na ipatupad ang batas at maprotektahan ang publiko laban sa mapang-abusong gawain sa pagpepresyo.
Ipinagbabawal ng RA 8479 ang cartelization, predatory pricing, at iba pang anti-competitive practices upang maprotektahan ang mga mamimili. Samantala, pinoprotektahan ng RA 7394 ang mga mamimili laban sa mapanlinlang, hindi patas, at labis na mapagsamantalang mga gawain sa pagbebenta.
Naghahanda ngayon ang mga Pilipino sa panibagong pagtaas ng presyo ng langis habang tumataas ang presyo ng krudo sa gitna ng pangamba sa posibleng pagkaantala ng suplay dahil sa tensyon sa Middle East.
Ayon sa mga ulat, maaaring tumaas ang presyo ng kerosene ng ₱24.92 kada litro; diesel ng ₱19.62 kada litro; at gasolina ng ₱10.43 kada litro. Ang final price movements ay inaasahang iaanunsyo sa Lunes, Marso 9.
