MALAKI ang matitipid ng mga kumikita ng minimum at lagpas pa sa panukalang batas na inihain ni Senador Win Gatchalian na tinawag niyang GInhawa Bill. Sa naturang panukala, itataas ang tax exemption sa ₱400,000 mula sa kasalukuyang ₱250,000.
“Kapag naging batas ang GINHAWA, para kang may dagdag isang buwang sahod kung kumikita ka ng ₱400,000 pababa taun-taon,” sabi ni Gatchalian.
Bilang ‘boses ng mga taxpayers’ sinabi ni Gatchalian na sa ilalim ng kasalukuyang tax rules, ang mga indibidwal na may net taxable income na ₱400,000 kada taon ay nagbabayad ng ₱22,500 na income tax. Sa GINHAWA bill, mawawala na ang babayarang ito. Sa madaling salita, maaari nang magamit ang ₱22,500 sa ibang mahahalagang bagay tulad ng pagkain, edukasyon, at pagpapanatili ng kalusugan.
Nagbigay ng halimbawa si Gatchalian. Ang isang call center agent na kumikita ng ₱25,000 kada buwan, o ₱325,000 kada taon kasama na dito ang 13th month pay, ay kasalukuyang nagbabayad ng ₱314 kada buwan o ₱3,765 kada taon na income tax. Pero kapag naisabatas na ang GInhawa bill, magiging savings na ito dahil wala nang babayarang buwis.
Ang isang private nurse na may sahod na ₱33,000 sa isang buwan, o ₱429,000 kada taon kasama na ang 13th month pay, ay kasalukuyang nagbabayad ng tax na ₱1,424 buwan-buwan o ₱17,085 kada taon, Pero sa ilalim ng GINHAWA, magiging zero income tax na.
Ang isang Teacher III naman na may buwanang sahod na ₱34,421 o ₱447,473 taun-taon ay may binabayarang buwanang buwis na ₱1,414 o ₱16,973 kada taon. Sa ilalim ng GINHAWA, wala na silang babayaran.
