IPINASARA ang isang beauty salon at isang training center ng Department of Migrant Workers (DMW) makaraang matuklasan na front lamang ito ng illegal recruitment sa Imus City, Cavite nitong Hulyo 9, 2025.
Pinangunahan ni DMW Assistant Secretary Jerome A. Alcantara ang ikinasang closure operation dakong alas-11 ng tanghali nitong Miyerkules sa VMJ Beauty Salon at Jef & Eds Learning Center. Katuwang ng DMW ang lokal na pamahalaan ng Imus, Cavite at Imus Police Station.
“Nandito tayo ngayon sa bisa ng kapangyarihan ng DMW sa pamamagitan ng RA 11641 na nagbigay sa amin ng mandato at sa direktiba rin ng Pangulo Bongbong Marcos Jr. at Secretary Hans Leo Cacdac na paigtingin ang kampanya natin laban sa illegal recruitment at human trafficking,” ayon kay Asst. Secretary Alcantara.
Unang nakatanggap ang DMW-Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) sa pangunguna ni Director Geraldine Mendez, ng request mula sa National Bureau of Investigation (NBI)-Cavite North District, para imbestigahan ang dalawang establisimiyento dahil sa sumbong na illegal recruitment.
Tatlong beses na nagkasa ng surveillance operation ang mga operatiba ng MWPB noong Hunyo 5 at 11 at Hulyo 1 kung saan nagpositibo ang VMJ Salon ng paniningil ng P15,000 sa mga aplikante para umano sa kanilang training sa hairstyling at spa at pag-refer sa mga trainee sa kontak na recruitment agency para makapagtrabaho sila sa Saudi Arabia na may buwanang suweldo na P35,000.00.
Dito na nagsagawa ang MWPB ng pagsalakay kung saan magkasabay na pinasok ng mga operatiba ng DMW at pulisya ang VMJ Beauty Salon na nasa loob ng Golden Market, Diamond Golden City at Jef & Eds Learning Center na nasa Block 12 Lot 60 Phase 3 Richlane Subd., Anabu 2-E. Imus City.
Isang beautician ang naabutan sa loob ng salon habang isang caretaker at nasa tatlong aplikante naman ang naabutan sa umano’y learning center na nagsisilbi ring accommodation ng mga aplikante.
Mahaharap sa kasong paglabag sa RA 8042 ang mga may-ari ng dalawang establisimiyento at irerekomenda sa lokal na pamahalaan at Department of Trade and Industry na kanselahin ang Certificate of Business Name Registration ng mga ito.
Ang mga ito ang ika-17 at ika-18 mga illegal recruitment establishments na naipasara ng DMW ngayong 2025 at inaasahang madaragdagan pa.
Nananawagan naman ang DMW-MWPB sa mga naging biktima ng mga ipinasarang ahensya na makipag-ugnayan sa kanila sa pamamagitan ng kanilang Hotline: +63 2 8721-0619, email mwpb@dmw.gov.ph, o sa Facebook page (https://www.facebook.com/dmwairtip) para sa kaukulang tulong sa paghahain ng reklamo.
