
BATANGAS – PINASINAYAAN ang groundbreaking ceremony ng kauna-unahang OFW Convention and Tourism Center sa Barangay Berinayan, Laurel, Batangas ngayong Miyerkules (Abril 9) sa pangunguna ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” Magsino .
Ang pasilidad ay magiging sentro ng mga service fair, job fair, conference, trade exhibit, tourism expo, at mga cultural events para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW), kabilang ang mga seafarers, at kanilang pamilya. Matatagpuan ito malapit sa Metro Manila at tanaw ang Lawa ng Taal, na inaasahang magpapalakas sa turismo at ekonomiya ng bayan.
Personal na inasikaso ni Rep. Magsino ang donasyon ng isang hektaryang lupa para sa proyekto bilang konkretong hakbang sa pagpapalawak ng mga programang para sa benepisyo ng mga OFW.

Dumalo sa seremonya sina OWWA Deputy Administrator Honey Quiño, DOT Assistant Secretary Christine Joy Cari, DILG Regional Director Ariel Iglesia, at TIEZA Engineer Jeoffrey Macalalad.
“Ang OFW Convention and Tourism Center, na magiging world-class facility, ay tatayong simbolo ng ating pagkilala sa world-class na kagalingan at dedikasyon ng ating mga OFW,” ayon kay Magsino. “Ito rin ay tatayong patunay at paalala na may matibay na suporta at sandigan sila sa sariling bayan.”
Nagpasalamat si Magsino sa mga opisyal ng pamahalaan at pribadong sektor na katuwang sa proyekto, at binigyang-diin na ito ay bunga ng pagkakaisa bilang pagkilalala sa mga OFW.
“Sa pangkalahatan, ang proyektong ito ay hindi lamang para sa ating mga OFW, kundi para rin sa patuloy na pag-unlad ng ating turismo sa Batangas, kung saan ako’y nagmula, at sa pambansang ekonomiya,” dagdag ng mambabatas.